SASABAK si No.4 rank Giemel Magramo ng Pilipinas kay third ranked Komgrich Nantapech ng Thailand sa 12-round eliminator bout upang maging mandatory contender ni IBF flyweight champion Moruti Mthalane ng South Africa sa Setyembre 7 sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.

Magsisilbing undercard ang laban nina Magramo at Nantapech sa sagupaan ng mga Pilipinong sina No. 1 contender Samuel Salva at No. 3 ranked Pedro Taduran para sa IBF minimumweight title na binakante ng dating kampeong si DeeKay Kriel upang umakyat ng timbang.

Tatlong beses nang lumaban sa Pilipinas si Nantapech ngunit laging talo sa mga world rated boxers na sina Albert Pagara (2nd round TKO), Froilan Saludar (UD 10) at Donnie Nietes (UD 12) para sa bakanteng IBF flyweight title kaya umaasa siyang magwawagi sa ikaapat na pagkakataon ng pagsabak sa ating bansa laban kay Magramo.

Pero hindi pipitsuging boksingero si Magramo na may kartadang 23 panalo, 1 talo na may 19 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Nantapech na may 25 panalo, 5 talo na may 16 pagwawagi sa knockouts.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hawak ni Magramo ang WBO Oriental at WBO International flyweight titles na natamo niya nang mapatigil si world rated Chinese Wenfeng Ge noong nakaraang Enero 5 sa Suzhou, China kaya umangat sa IBF rankings.

-Gilbert Espeña