Dadagdagan ng P60 milyon ang pondo ng provincial government ng Davao del Norte para sa pagpapatayo ng mga kabahayan para sa mga komunidad ng Indigenous Peoples (IP) at former rebels (FRs) sa bayan ng Talaingod.

Ipinahayag ni Governor Edwin Jubahib na ang paunang P20 milyon ay naipadala na sa kaban ng probinsya at ang natitirang P40 milyon ay inaasahang darating sa susunod na linggo.

Ang proyekto ay para sa mga residente ng barangay Sto Nino, Dagohoy, at Palma sa naturang bayan.

Kinumpirma ni Jubahib sa isang panayam kamakailan ang pagbisita mga opisyal ng NHA upang makita ang lugar at maisapinal ang detalye ng proyekto.

“Right after the visit, we will commence the construction of the project right away. The downloaded amount will be used to purchase the materials needed for the project,” pahayag nito.

Para naman sa ispesipikasyon ng proyektong pabahay, wala pang inilalabas na detalye ang gobernador dahil nag-iintay pa rin sila ng pinal na posisyon mula sa NHA.

“This project will allow our IP brothers and sisters as well as the FRs to own a permanent shelter and be more productive,” dagdag pa ni Jubahib.

Aniya, tinitingnan din ng NHA ang isa pang nagkakahalagang P20 milyon na proyektong pabahay sa barangay Gupitan, sa bayan pa rin ng Talaingod, para sa mga mamamayan ng barangay na ito.

Sa isang panayam kay Talaingod Mayor Jonnie Libayao, inihayag niya na malaking tulong ang proyektong pabahay sa mga komunidad ng kanyang bayan.

Pahayag nito, “As to their [IPs] nature, they will not settle in one place. They transfer from time to time. With this housing project, they can now permanently stay in their own house.”

Maliban sa mga proyektong pabahay, nangako si Jubahib na sosolusyunan din ang problema sa pamamagitan ng proyektong farm-to-market roads (FMR), sistema ng patubig at pangkabuhayan.

Siniwalat ni Libayao na nagsumite na sila ng FMR proposal sa gobernador at nag-iintay na lamang ng pag-apruba.

Ipinahayag din nito na ang mga IPs mismo ang humiling ng isang access road papuntang pamilihan upang madala ang kanilang mga ani sa mga malapit na komunidad.

“We are happy that the provincial government positively responded to our request,” wika nito.

Kamakailan, inanunsyo ng provincial government na magpapagawa ito ng isang kalsada ngayong Setyembre upang makapagbigay ng mas mabuting serbisyo sa mga liblib na pamayanan ng mga katutubo.

Ang pinaplanong 20-kilometrong proyektong kalsada ay magkokonekta sa pamayanan ng mga IPs sa Barangay Gupitan sa bayan ng Kapalong sa buong probinsya.

Ang nasabing kalsada ay magbibigay ng mabilis na pagresponde at mabilis na pagdadala ng mga pangunahing serbisyo sa tatlong pamayanan ng IP sa Kapalong, na mahahanap 300 kilometro mula sa hilagang-silangan ng kabiserang lungsod na Tagum.

PNA