Tolentino, ‘di apektado ng boykot sa POC Execom

BINOYKOT o sadyang may lehitimong dahilan, ipinag-kibit balikat ng bagong halal na Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang kaganapan at iginiit na kaayusan ang nais niya sa Olympic body sa loob ng isang taong pamumuno.

TOLENTINO: Trabaho lang, walang personalan.

TOLENTINO: Trabaho lang, walang personalan.

“Okey lang. Hindi ko ito tinatanaw na personal. Malay naman natin baka talagang maynauna silang commitment na kailangang daluhan.Puwede naman kami uling mag-meeting,” pahayag ni Tolentino, patungkol sa ‘nilangaw’ na special POC Executive Board meeting na kanyang ipinatawag nitong Biyernes matapos mahalal na bagong pangulo nitong Hulyo 28.

Hindi nabasbasan ng Execom ang mga desisyon na kanyang isinagawa matapos ang halalan nang mabigong makakuha ng quorum nang pawang hindi sumipot ang mga miyembro ng board na sina Joey Romasanta (1st vice president), Jeff Tamayo (2nd vice president), Julian Camacho (treasurer), Joanne Go (auditor), Prospero Pichay, Clint Aranas, Robert Mananquil, at Mikee Cojuangco (member).

Dating PBA player na sapilitang nanghalik ng babae sa bar, himas-rehas!

Tanging sina newly-elected Chairman Steve Hontiveros ng handball at board member Cynthia Carrion ng gymnastics, ang nagbitiw na POV head na si Ricky Vargas ang nakadalo sa pulong.

“The [executive board meeting] was called immediately after last Sunday’s elections, therefore it is within bounds of the POC policies. I am calling another board meeting on August 9,” pahayag ni Tolentino.

Ayon sa batas ng POC, na maaring magpatawag ng isang lehitimong executive board meeting ang presidente o ang chairman sa limang araw na abiso, habang ang general assembly naman ay sampung araw ang abiso na kailangan.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Tolentino na hindi gahol sa oras ang kanyang pag-anunsiyo ng executive meeting, buhat noong Hulyo 28 nang siya ay maluklok bilang POC president.

“Therefore, the meeting was called ‘not on short notice. I will be bringing this issue to the GA,” aniya.

Nakatakda ang POC General Assembly meeting sa August 13 sa Diamond Hotel.

Kaagad na inapoint ni Tolentino si Vargas bilang head ng committee on constitution ang amendment, habang si Lucab Managuelod ng muag ang head ng committee on membership.

Ibinalik din ni Tolentino sa puwesto si Patrick Gregorio bilang secretary-general habang deputy si Richard Gomez, at nanatiling spokesman si Ed Picson.

Nitong Hulyo 28, sa utos ng International Olympic Committee (IOC), isinagawa ang special election sa POC at nanalo si Tolento laban kay athletics chief Popoy Juico, 24-20.

-Annie Abad