KUMPIYANSA si Pinoy pole vault star Ernest John Obiena na makasikwat ng puwesto para sa 2020 Tokyo Olympics.
Batay sa pinakabagong marka na inilabas ng International Association of Athletics Federation (IAAF), nasa ika-16 rank sa mundo ang 24-anyos na UST student, kasama ang pambato ng US na si KC Lightfoot tangan ang kabuuang 1201 puntos. Target ni Obiena, kasalukuyang nagsasanay sa Italy, na makuha ang marka na 5.80 meter kaya naman sinasamantala niya pagkakataon na makasali sa mga prestihiyosong kompetisyon na magbibigay sa kanya ng tsana na maiangat ang kanyang ranking para makapasok sa Tokyo Games.
“I’m really aiming to get the 5.80 mark. I know I am capable and I am lucky to be invited to these prestigious meetings. I just look at it as opportunities that I can use to improve and be better and represent our flag to the international stage,” pahayag ni Obiena.
Pinalad si Obiena na makapag-uwi ng gintong medalya sa Asian Athletics Championships na ginanap sa Doha, Qatar nitong nakaraang Abril. Gayundin, nailagay niya sa kasaysayan ng Universiade Games ang bansa nang magwagi ng gintong medalya kamakailan. Sa Napoli, Italy
Tanging si chess Super GM Wesley So ang nakapagwagi ng gintong medalya sa torneo sa nakalipas na mga taon.
Dahil dito, iniluklok si Obiena bilang ‘Athlete of the Month’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) para sa buwan ng Agosto.
“Obiena’s historic gold medal in pole vault in the Napoli Universiade will stand as one of the greatest individual achievements in sports by the Filipino athletes,” sambit ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight.
“Before Obiena, only GM Wesley So managed to capture a gold medal for the country in the 60-year history of the Universiade,” aniya.
Naungusan ni Obiena sa parangal sina eight-division world champion Manny Pacquiao, nagwagi via split decision kay American fighter Keith Thurman nitong Hulyo 20 at swimming sensation Jasmin Mikaela Mojdeh, nakapagtala ng dalawang bagong Philippine junior records sa ASEAN Schools Games sa Indonesia nitong Hulyo 25.
Ang TOPS ay nagsasagawa ng lingguhang sports forum, tuwing Huwebes sa National Press Club at itinataguyod ng Philippine Sports Commission, NPC, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drink at mapapanood ng live sa Facebook via Glitter Livestreaming.
-Annie Abad