Nagdeklara na ngayong araw ang Department of Health (DoH) ng National Dengue Epidemic sa bansa kasunod na rin ng nakaaalarmang pagtaas ng dengue cases sa ilang rehiyon.
Sa isang pulong balitaan sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), isinagawa ni Health Secretary Francisco Duque III ang deklarasyon bunsod ng pagkatala nila ng 146,062 dengue cases sa bansa, mula Enero hanggang Hulyo 20 lamang.
“…we declare a national dengue epidemic, in the wake of the 146,062 dengue cases recorded in January up to July 20 this year,” ani Duque.
Ang naturang kabuuang bilang aniya ay 98% na mas mataas kumpara sa kahalintulad na petsa na naitala nila noong nakaraang taon.
Sa naturang bilang, umabot na sa 642 ang namatay dahil sa naturang sakit o may .04% case fatality rate na napakataas, ani Duque.
Pinakamarami aniyang naitalang kaso sa Western Visayas, na may 23,330, sumunod ang Calabarzon na may 16,515, Zamboanga Peninsula na may 12,317, Northern Mindanao na may 11, 455 at Soccksargen na may 11,083.
“It is important that a national epidemic be declared in this area to identify where a localized response is needed and enable local government units to use their quick response fund to address the epidemic situation,” paliwanag ng kalihim.
Samantala, pito aniya sa 17 rehiyon sa bansa ang lumampas na rin sa epidemic threshold ng dengue sa kanilang rehiyon sa loob ng nakalipas na tatlong linggo.
Kabilang dito ang Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao.
Ang iba namang rehiyon ay lumampas na rin umano sa alert threshold level, kabilang ang Ilocos, Central Visayas, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“The total number of cases nationwide for the 29th morbidity week alone representing the period July 14 to 20, is 10,502 cases. And this is 71% higher compared to the same period in 2018, where there 6,128 reported,” ani Duque.
Kaugnay nito, simula umano kahapon, ang DoH, kasama ang iba pang government agencies, mga local government units, mga paaralan, mga tanggapan, at mga komunidad ay inaasahang magsasagawa ng “Sabayang 4 o’clock Habit Para Denguet Out”, na ang layunin ay hanapin ang mga lugar na pinamumugaran ng mga lamok na may hatid na dengue.
Isa lamang aniya ito sa mga pangunahing intervention na gagawin upang maiwasan at makontrol ang dengue. Kaakibat aniya ito ng kanilang 4S Strategy Kontra Dengue.
“Kaya sabay-sabay tayo mag-search and destroy tuwing 4:00 ng hapon, para Dengue out. We’d like to urge the public to follow suit as what we have done,” panawagan pa niya sa publiko.
Babala pa ni Duque, wala pang gamot at bakuna laban sa dengue kaya ang pag-iingat lamang ang tanging paraan na maaaring gawin ng publiko upang makaiwas sa dengue.
Una nang ipinalawanag ni Health Spokesperson Eric Domingo na masasabing mayroon nang epidemic kung kalahati na ng mga rehiyon ay apektado ng sakit.
Paliwanag pa ni Domingo, tinatawag nila itong national epidemic upang maging mas madali sa kanila ang pag-mobilisa ng kanilang mga resources.
"We say it’s an epidemic when half of the regions are affected. We call it a national epidemic and it makes it easier for us to mobilize resources," aniya.
Matatandaang kamakailan lamang ay nagdeklara na ang DoH ng national dengue alert matapos makapagtala ng maraming dengue cases sa apat na rehiyon sa bansa.
Inaasahan naman ni Domingo na mamamayagpag pa ang pananalasa ng sakit hanggang sa Setyembre dahil sa panahon ng tag-ulan.
"It’s definitely the water, especially now that we’re having rains. You have stagnant water, 2 to 3 days is enough for the life cycle of a mosquito," paliwanag niya.
-MARY ANN SANTIAGO