PANIBAGONG malawakang pagpatay ang naganap sa Estados Unidos nitong Sabado—20 ang namatay, 26 ang sugatan—nang isang armadong lalaki na may bibit na armas pangmilitar, pinaniniwalaang isang Ak-47, ang pumasok sa isang abalang tindahan ng Walmart sa El Paso, Texas, at agad na nagpaulan ng bala sa mga kostumer. Makalipas ang ilang oras, panibagong armadong lalaki ang pumatay ng siyam na katao at sumugat sa 27 sa Dayton, Ohio. Nangyari ang pamamaril wala pang isang linggo makaraan ang isang katulad na insidente ng pamamaril sa isang garlic festival sa Gilroy, California, kung saan apat na katao ang namatay habang nasa 15 ang sugatan.
Kinondena ng mayor ng El Paso, gobernador ng Texas, at ng pangulo ng Amerika ang pamamaril sa Walwart, at nagpaabot ng kanilang pakikiramay sa pamilya ng mga biktima, kasama ng pangako ng aksiyon upang hindi na maulit ang insidente. Ngunit kung may indikasyon man ang lahat ng nakalipas na mass killing ng isa o dalawang salarin sa nasabing bansa, ang insidente ng El Paso ay makalilimutan din kalaunan—hanggang sa may sunod na insidente na naman ng pamamaril na maganap.
Ang mga insidente ng mass killing tulad nito ay naging karaniwan na lamang na tila nangyayari ng regular sa Amerika. Nito lamang Mayo, 12 ang namatay nang pasukin ng isang salarin ang munisipal na gusali sa Virginia, Beach, Virginia. Una dito noong Enero, lima ang nasawi sa dalawang magkahiwalay na pamamaril sa simbahan sa Louisiana. Sa kaparehong buwan din, limang bihag ang binaril sa isang bangko sa Sebring, Florida.
Noong nakaraang taon ng 2018, buwan ng Pebrero, isang dating estudyante ang pumatay ng 17 at sumugat ng 17 iba pa sa isang high school sa Parkland. Florida. Mayo ng taong iyon, pinatay naman ng isa ring estudyante ang 10 at sumugat ng 14 sa isang high school sa Santa Fe, Texas. Labing isa ang napatay habang anim ang sugatan sa pamamaril sa isang synagogue sa Pittsburgh, Pennsylvania, noong Oktubre. Labintatlo naman ang nasawi at 12 ang nasugatan sa isang bar sa Thousand Oaks, California, ng kasunod na buwan ng Nobyembre.
Oktubre, 2017, nasaksihan ng mundo ang pinakamalaking bilang ng biktima ng mass killing—nang 58 na katao at 422 ang nasugatan nang mamaril ang isang armadong lalaki mula sa bintana ng kanyang kuwarto sa isang hotel, sa kumpol ng mga tao na dumadalo sa isang country music festival sa Las Vegas, Nevada.
Matapos ang mga insidenteng ito, nagkaroon ng mga panawagan upang magpatupad ang pamahalaan ng restriksiyon sa pagbili ng mga armas sa bansa, lalo na ang mga sibilyan na nais bumili ng mga armas pangmilitar na kayang magpakawala ng daan-daang bala sa loob lamang ng ilang segundo. Ngunit tumanggi ang Kongreso ng Amerika na pagtibayan ang anumang restriksiyon na nakikitang lalabag sa Amendment 2 ng US Constitution.
Labing siyam na tumatakbong pangulo mula sa Democratic Party ang nasa Las Vegas upang magtalumpati sa pinakamalaking unyon ng mga empleyado ng pamahalaan ng US nang maganap ang pamamaril sa El Paso. “All over the world, people are looking at the United States and wondering what is going on,” pahayag ni Vermont Sen. Bernie Sanders. “What is the mental health situation in America? Where time after time after time after time, we’re seeing indescribable horror?”
Kabilang tayo sa mundo na nagtatanong din ng katanungang ito. Ang pagpapataw ng ilang restriksyon sa pagmamay-ari ng baril, lalo na sa mga armas pangmilitar ng sibilyan, ay maaaring makatulong, kung gagawa ng paraan ang Kongreso ng Amerika na pagtibayin ito nang walang nalalabag sa US Constitution.
Kung sa usapin naman ng kalusugan ng pag-iisip ng mga Amerikano tulad nang nabanggit ni Senator Sanders, ‘tila mas mahirap itong solusyunan. Naglakbay ng siyam na oras ang salarin sa El Paso patungo ng lungsod at lumalabas na target nito ang mga tao sa isang mall na karamihan ay mga Latino, lalo’t kahati rin ng lungsod ang kaparehong sentro ng bayan ng Ciudad Juarez, Mexico. Maaring itinulak ang salarin ng retorika ng pagiging rasista (racist), na madalas marinig sa ilang matataas na opisyal ng Amerika.