Pagbabago sa pag-iisip at emosyon ang pinaniniwalaang dahilan kung bakit nagawang patayin ng isang padre de pamilya ang kanyang sariling asawa at dalawang anak, bago nagbaril sa sarili, sa loob ng kanilang tahanan sa Paranaque City, nitong Lunes ng hapon.

FAMILY

Sa naantalang ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang pamamaslang sa loob ng bahay ng pamilya sa Barangay San Isidro sa nasabing lungsod, dakong 2:30 ng hapon.

Ayon sa pagsisiyasat nina S/Sg Johnny Margate at S/Sg Gerry Mislang, imbestigador ng Paranaque City Police, batay sa pahayag ng kasambahay ng pamilya, huli niyang nakitang buhay ang mga biktima sa loob ng bahay dakong alas-dose ng tanghali.

Probinsya

Philippine Army, nagbigay-pugay sa opisyal na nagbuwis ng buhay sa MV Trisha Kerstin 3

Aniya, inutusan siya ng suspek na bumili ng olive oil sa malapit na grocery store pasado 12:00 ng tanghali at pagbalik dito ay napansing sarado ang gate ng bahay.

Nakailang tawag umano siya sa mga amo ngunit wala umanong tumutugon, nagkataon naman na dumating ang ina ng ginang kaya’t nagpasya ang dalawa na tumawid sa bakod. Dito na umano nila nakita ang duguang bangkay ng asawa ng suspek sa loob ng sasakyan sa garahe, habang sa master’s bedroom naman natagpuan ang wala nang buhay na suspek at ang siyam na taong gulang na anak nito. Sa sofa naman sa sala ng bahay nadiskubre ang 14-anyos na dalagita na may tama ng bala sa ulo.

Sa isinagawang technical investigation ng Scene of the Crime Office (SOCO) team ng SPD, narekober sa pinangyarihan ang isang caliber .45 pistol na may kasamang magazine at naglalaman ng anim na bala at apat na basyo ng naturang baril.

Pagbabahagi ng kasambahay, nakararanas umano ng pagbabago sa pag-iisip at emosyon si Manolo matapos itong sumailalim sa operasyon sa puso, na isa sa tinitingnang motibo ngayon ng awtoridad.

Bukod dito, posible rin umanong may kinalaman sa problema sa pera ang krimen dahil may quarterly medical checkup ang suspek sa pagamutan.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

-BELLA GAMOTEA