NALUGI pala ng P250 milyon ang gobyerno dahil sa suspensiyon at pagsasara ng Lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong Biyernes. Sa loob lamang ng limang araw, nawalan ang Duterte administration ng P250 milyon bunsod ng utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na itigil ang operasyon ng mga palaro ng PCSO dahil umano sa malawakang kurapsiyon.

Ayon kay PCSO General ManagervRoyina Garma, ang nawalang P250 milyon ay para lang sa Lotto at hindi kasama rito ang kita mula sa Small Town Lottery (STL), Peryahan ng Bayan (PnB) at Keno. Kumikita ng average na P60 milyon kada araw ang PCSO lottery. Nagpasalamat si Garma kay PRRD nang iutos na alisin ang suspensiyon.

Matutuwa ang may 450,000 mahihirap na may sakit sa muling operasyon ng Lotto sapagkat sila ay patuloy na matutulungan ng PCSO sa pangangailangan, lalo na ang nagpapa-dialysis at nagpapa-chemotherapy. Umaasa silang aalisin na rin ang suspension order sa STL, PnB at Keno. Nais ng mga mamamayan na ihayag sa publiko ng Pangulo ang mga tiwaling opisyal na ahensiya at mga kasabwat nila sa labas sa kawalang-hiyaan. Sinu-sino ba kayo?

Pinuri ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, mahigpit na kritiko ng Pangulo sa appeasement policy nito sa China, ang paghahain ng protesta ng PH laban sa dambuhala kaugnay ng mga report na mahigit 100 barko ng China ang nagpunta at umaali-aligid sa Pag-Asa Island na okupado ng ating bansa. Ayon kay DFA Sec. Teodoro Locsin Jr., naghain siya ng protesta tungkol dito. Sa makulay na salita, sinabi ni Locsin: “Diplomatic protest fired off.”

Sinabi ni Carpio na makabubuti sa ‘Pinas ang paghahain ng protesta laban sa China dahil kung hindi kikibo ang Duterte administration, maituturing itong pag-amin at pagtanggap na pinapayagan ng PH ang ganitong gawain ng dambuhala na hindi dapat pahintulutan ng mga lider ng ating bansa.

Ipinaliwanag ni Carpio na ang Isla ng Pag-Asa (Pag-asa Island) ay bahagi ng territorial sea ng Pilipinas alinsunod sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016. Ibinasura rin ng PCA ang nine-dash claim ng China na umaangkin sa halos kabuuan ng South China Sea, kasama ang West Philippine Sea.

Pahayag ni Carpio: “Sinabi ng tribunal na may territorial sea sa paligid ng Pag-Asa at lahat ng fishing vessels ng China ay hindi puwedeng pumasok sa territorial sea at umali-aligid doon. Kung gusto nilang magdaan sa pamamagitan ng innocent passage rule, maaari silang magdaan nang tuluy-tuloy at mabilis sa straight line.” Dagdag pa niya: “They cannot loiter, they are prohibited because it’s a territorial sea but what they are doing is they are loitering... They should get out there.”

Si Vice Pres. Leni Robredo ay nagtungo sa Itbayat, Batanes upang magkaloob ng tulong sa mga biktima ng lindol. Nanawagan siya na baguhin ang engineering design ng mga bahay-na-bato sa lalawigan. Ang mga bahay-na-bato ay matibay sa bagyo, pero hindi pala ito nakadisenyo sa lindol.

Ang kaibigang China ng ating Pangulo ay nag-donate ng P10 milyon para sa mga biktima ng lindol. Ang nasabing halaga ay para masuportahan ng gobyerno na muling makabangon ang Batanes matapos ang lindol na kumitil ng siyam na tao, sumugat sa maraming iba pa, at sumira ng mga bahay, paaralan, gusali, imprastraktura na sa huling ulat ay umabot na sa P228 milyon.

Salamat China sa pagtulong, pero ang pakiusap namin, huwag mo nang okupahan ang aming mga shoal, reef, isles. Anyway, kaibigan ka naman ng aming Pangulo at higit ang pagkiling niya sa inyo kaysa United States at European Union.

-Bert de Guzman