BAGO pa man nagkaroon ng bandwagon sa independent film production sa Pilipinas, nauna nang nagpoprodyus ng indies si Atty. Joji VIllanueva Alonzo.Ang top-notch lawyer, agad ding naging entertainment industry leader.Siya ang founder-CEO (chief executive officer) ng Quantum Films na piling-pili ang mga pelikulang ginagawa. Ang ilan sa award-winning na produkto niya ay ang Kubrador, Ang Babae sa Septic Tank, at Ekstra.
Bagamat unang nalinya sa alternative cinema, gumagawa rin ng mainstream movies ang kanyang production company. Naipagprodyus na niya si Vilma Santos at naging blockbuster hit ang partnership nila, ngayon naman ay si Kris Aquino. Kasali sa Metro Manila Film Festival sa December ang (K)Ampon na nagsimula nang mag-shooting nitong nakaraang linggo.
Childhood dream ni Atty. Joji ang paggawa ng pelikula, pero pinayuhan siya ng ama na walang pera sa directing. Maaga siyang na-in love sa movies, tinitipid ang pangalawang sakay ng jeep at naglalakad na lang papuntang school para makapag-ipon ng pampanood ng sine tuwing weekend. At noon pa, aware na siya na kung mainstream movies ang paborito ng mga kaibigan, mas gusto niya ang socially relevant films tulad ng Sa Mga Kuko ng Liwanag at Batch ‘81.
Inakala niyang kuntento na siya sa pagiging producer. Pero nasindihan uli ang childhood dream niyang makapagdirihe nang mapaiyak siya sa binabasang kuwento tungkol sa isang French woman na na-in love sa younger man.
May affinity sa bansang France si Atty. Joji, taun-taon siyang nagbabakasyon doon, kaya kung tutuparin man niya ang kanyang long-time dream, ang naturang kuwento ang gusto niyang isapelikula.
Ang resulta ay ang Belle Douleur (Beautiful Pain) na pinagbibidahan nina Mylene Dizon at Kit Thompson at napapanood na ngayon (soldout agad ang unang screening kahapon) sa isinasagawang Cinemalaya Film Festival.
Ayon kay Direk Marlon Rivera na ginawang artista ni Direk Joji sa Belle Douleur, naiiba ang estilo at may French touch ang baguhang filmmaker. Kaya ang tanong ko agad, lumilinya ba siya sa art films?
“Hindi naman, ako kasi ang paniniwala ko sa art films sobrang hindi na naiintindihan,” mabilis at natatawang sagot niya. “Belle Douleur is a thinking film pero hindi ito ‘yong ‘di na ma-appreciate kasi madali lang maiintindihan. It’s any woman’s story.”Sabi ni Direk Marlon, French ang sensibility sa Belle Douleur.“Ano lang s’ya, full of love,” natatawa uling sagot ni Direk Joji.So, hindi naman mataas ang pelikula niya?“Hindi naman din ganoon kataas. Ah, intellectual s’ya but it’s not something... like me isa akong napanood ako sa Cannes paglabas ko, ano ‘yon? ‘Di ko naintindihan!”Tulad din ba ng pagiging producer ang pagdidirihe niya, marunong balansehin ang indie at commercial?“Sa akin naman kasi hindi importante kung mainstream or alternative ang pelikula. Ang importante kung ano ang intensiyon mo sa paggawa ng pelikula, ma-achieve mo. Like for example, gusto mong gumawa ng rom-com, napakilig mo sila lahat sa pelikula, then successful ka. Kung gumawa ka for example ng pelikula na gusto mo imensahe na napaka-corrupt ng ating gobyerno, so naipaabot mo, you are successful. So, depende kung ano ang intensiyon na kaakibat doon sa ginawa mong pelikula.”Wala nga bang pera sa filmmaking?
“Sabi ng Tatay ko ‘yon, walang pera sa filmmaking, ay sa pagdidirektor pala kasi gusto ko ngang magdirek. So naghanap ako ng magiging profession ko na kikita ako.”Sa tunay na hilig pa rin naman siya napunta ngayon.“Wala, eh. I finished my law degree but ipinangako ko sa sarili ko na one of these days I will do the the things that I reall wanna do.”
Ano ang mahal ni Direk Joji sa filmmaking?
“Alam mo, hindi ko ma-explain,” aniya. “Hindi mo maiintindihan ‘yan hangga’t ‘di ka nakagawa ng pelikula. Sobra s’yang nakakaadik. Everyrtime na gumawa ka ng pelikula at napapanood mo na, kahit anong hirap mo s’yang ginawa para kang nanganak at nakikita mo ‘yong baby na pagkaganda-ganda, even if others won’t probably appreciate pero sa mata mo ang ganda-ganda n’ya. So it’s the upright feeling, eh, na hindi mo mahanap sa ibang bagay and at the same time ‘yong medium mo you can express so many things with a simple story on screen, and not everyone can do that. So I feel empowered in the process, na kung anuman ang mensahe na gusto mong maiparating, maipaabot mo sa public.”
-DINDO M. BALARES