HABANG papunta kami sa gala night ng Belle Douleur para sa Cinemalaya (15th year) ay naalala namin ang digital movie na Glorious na most viewed pa rin sa iWant hanggang ngayon dahil may mga nagsabi sa amin na pareho ang kuwento ng dalawang pelikula.

Mylene Dizon at Kit Thompson

Mylene Dizon at Kit Thompson

Ang Glorious ay pinagbidahan nina Angel Aquino at Tony Labrusca na idinirek ni Connie Macatuno.

Sina Mylene Dizon at Kit Thompson naman ang bida sa Belle Douleur na idinirek ni Atty. Joji VillanuevaAlonso.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Totoo nga na pareho ang istorya ng dalawang pelikula na tungkol sa May-December affair na pati edad ay halos pareho rin ang gap.

Ang pagkakaiba lang, sa Glorious maraming may ayaw sa relasyon nina Angel at Tony, kalaban nila ang lahat ng taong nasa paligid nila lalo na sa pamilya ng binata dahil parang nanay na nga niya ang girlfriend. At kapag nagkikita sila ay laging patago kaya parehong sabik sa isa’t isa. Kapag nag-aaway naman sila ay parehong mataas ang mga tono.

Samantalang sa Belle Douleur ay walang conflict sa paligid. Pareho silang masaya, bagay sila at boto ang lahat. Ang naging problema lang ay gustong magkaanak ni Kit kay Mylene bagay na hindi maibigay ng huli.

Dito nagsimula ang gusot nina Liz at Josh pero hindi grabe ang sigawan dahil kalmado ang atake ni Direk Joji at sa kalaunan ay tinanggap na rin ng huli na hindi na siya magkakaroon ng anak, dahil ang itinago niyang mga laruan noong bata siya na plano sana niyang ipamana sa magiging mga anak niya ay kanya nang ibinenta.

Kaso na-guilty si Liz at ayaw naman niyang ipagkait sa binata na magkaroon ng anak. Gumawa siya ng paraan para maipakilala si Josh sa kasing edad niya, si Hannah Ledesma na mahilig din sa bata.

Ito naman ang pagkakaiba sa Glorious dahil nagka-anak ang dalawa pero hindi sinabi ni Angel kay Tony dahil ayaw niyang matali ito sa kanya. Gusto rin niyang makakilala ng kasing edad niya si Tony tulad ng bukambibig ng pamilya ng binata.

Pagdating sa love scenes ay magkaiba ang istilo ng dalawang babaeng direktora bagamat parehong wild at passionate.

Mas nagustuhan namin ang love scene ng Belle Douleur dahil may kuwento ang bawat isa.

Si Mylene ang unang nagbigay ng hudyat kay Kit dahil sabi ng mga kaibigan, ‘do something stupid’ na ginawa nga niya. Ang unang love scene na nangyari sa bahay ng huli ay wild dahil nga pareho silang sabik dahil parehong single.

Hanggang sa naging magkarelasyon na. Ito na ang ikalawang love scene na may pinagsamang wild at passionate na nangyari naman sa bawat sulok ng bahay ni Mylene.

Malaking tulong ang mga awiting ginamit ni Atty. Joji sa pelikula kapag nagniniig ang dalawa, kaya pala sabi niya sa gala night na nagpapasalamat siya sa naglapat ng musika dahil nga napakametikuloso niya at dapat perfect.

Pero ang tumatak sa lahat ay habang pinapatugtog ang La Vie en Rose, version nina Laura at Anton, at tumayo si Kit na hubo’t hubad at niyaya si Mylene na sumayaw. Hiyawan ang lahat sa eksenang ito.

Marami pang ibang sensual scenes sa pelikula at halatang babae talaga ang nagdirek dahil maingat pero may tapang ang pagkakakuha sa mga ito. Sabi nga ni Direk Marlon, may French film sensitivity.

Pero ang sabi naman ni Direk Joji, “full of love kasi ang kuwento.”

Ito pala ‘yung sinasabi ni Mylene na ang pinakamahirap sa kanyang eksena ay, “to fall in love with Josh kasi bata. Ang hirap i-arte ‘yun, dapat feel mo na in love ka, feel mo kung ano ‘yung ginagawa ‘pag in love ka.”

Sa edad na 45 ngayon ni Mylene ay hindi na niya kayang ma in-love sa mas bata sa kanya tulad ng karakter niya sa Belle Douleur.

Nakarinig na kami ng singhot mula sa paligid sa ikatlong love scene dahil ito na pala ang huli at ipinakitang naiiyak na si Mylene dahil iiwan na niya si Kit.

Sobrang nakakaiyak ang eksena, tagos sa dibdib kapag naranasan na ng nakapanood ang ganoong sitwasyon.

Gumawa ng dahilan si Mylene para mapaglapit niya sina Kit at Hannah dahil nag-resign siya sa trabaho at nangibang bansa hanggang sa muling bumalik at nakita niyang may anak na ang dalawa.

First full length movie ito ni Direk Joji dahil ang alam naming una niyang idinirek ay ang short film na Last Order (2018) kaya talagang pumapalakpak kami sa husay niya bilang first time direktor.

Kung magbabago na ng career si Atty. Joji ay tiyak na dadagsain siya ng offers bilang direktora, ang husay! Kaso ang pagiging abogada pa rin ang nasa puso ni Direk dahil iyon ang kanyang bread and butter.

At sa mga nagsiganap, wow, saludo kami. Walang itulak kabigin, perfect para sa amin ang bawat role.

Kay Mylene, ikaw ang Best Actress sa amin para sa Cinemalaya 15.

Kay Kit, ang galing mo talagang umarte, lover boy.

Sa pelikulang Belle Douleur, malakas ang pakiramdam naming Best Picture ito at para naman kay Direk Joji, posibleng inuwi niya ang Best Director award.

Sa mga gustong mapanood ang pelikula ay paki-check ang schedule sa CCP at sa mga hindi makakapanood, abangan nalang ang pelikula sa mga sinehan dahil sigurado kaming blockbuster ito.

Congratulations sa Team Belle Douleur mula sa Balita.

-REGGEE BONOAN