HANGGANG ngayon ay hindi pa rin maiwasan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang malungkot sa tuwing nababanggit ang pangalan ng may ilang taon nang namayapang mentor na si German “Kuya Germs” Moreno.

Mayor Isko

Pero alam naman daw ni Mayor Isko na kung san man naroroon ngayon si Kuya Germs ay tiyak na nakangiti raw ito sa kanya. Ayon pa rin sa alkalde ng Maynila nang makausap namin sa burol ng namayapang taga-Tundo ay hindi raw niya maiwasang magbalik-tanaw.

Kumbaga, dahil sa isang lamay ay nadiskober siya ng kanyang manager na si Daddy Wowie at ipinakilala siya ng huli kay Kuya Germs upang maging isa sa mga miyembro ng dating That’s Entertainment ng GMA 7.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

“Doon nag-umpisa ang lahat, kaya nga sa tuwing may lamay na ganito, eh, hindi natin maiwasang maalala ko kung saan nag-umpisa ang aking karera. Sa totoo lang, kaya ganito rin ako kasipag pumunta sa mga lamay ng mga constituents ko dahil kung hindi dahil sa ganitong mga pagkakataon, eh, hindi ako napansin ni Daddy Wowie at siyempre hindi ako napakilala kay Kuya Germs,” sey pa ni Isko.

Dadgag pa niya, hindi raw naman niya dapat balewalain ang pagdalaw sa mga namatayan, lalung-lalo na kung malapit ito sa kanya dahil bukod sa nakapagbigay siya ng kanyang pagdalamhati sa namatayan ay napasalamatan pa rin niya ang kanyang pinagmulan.

“Kaya nga malaki ang pasasalamat ko sa kanila kasi kahit papaano, eh, nakilala ako sa showbiz, at dahil sa showbiz, kung kaya nagbigyan tayo ng lakas ng loob na pumalaot sa mundo ng pulitika. Kumbaga, sinubukan kong kumandidato noon sa pagka-konsehal sa Tundo at sino ang mag-aakala na ang isang Isko Moreno na dating pasayaw-sayaw at pakanta-kanta lang sa ‘That’s Entertainemnt’, eh, mayor na,” pagbalik-tanaw ng alkalde.

Aniya pa, gagawin daw niya ang lahat para hindi mapahiya ang mga taong pinagkakautangan niya ng loob.

“Siyempre, sa tulong ng Itaas, alam kong hindi Niya tayo pababayaan, tuluy-tuloy na itong magagandang pagbabago ng Maynila. Para sa kanila ito at gagawin ko ang abot ng aking makakaya para lalo nila akong ipagmamalaki.”

Matatandaang isa ang mentor niyang si Kuya Germs sa nagsulong para buhayin ang Metropolitan Theatre na naging tahanan noon ng mga showbiz functions, stage shows, stage plays at live shows na kagaya ng “Vilma” ni Batangas congresswoman and Star for all Seasons Vilma Santos-Recto.

Ano ang plano ni Mayor Isko hinggil dito?

“Well, may mga kinakausap na rin naman tayo tungkol diyan. Hintayin na lang natin. Hindi rin naman kasi basta-basta na lang pababayaan ang MET. This time, tutulungan ng pamahalaang lungsod ng Maynila na pasiglahin muli ang mga kagaya ng mga ganyang venue,” aniya.

Ngunit bukod dito ay may mga iba pa rin siyang plano na para pa rin sa ikakasigla ng entertainment sa siyudad ng Maynila.

‘Marami pa tayong gagawin para sa mga mahal kong taga-Maynila. Sana sa tulong ng lahat at siyempre sa awa ng Diyos, ay matutupad natin ang mga ito.”

Marami rin naman ang mga panlalait na natatanggap noon si Mayor Isko, lalo na noong nag-uumpisa pa lang siya sa showbiz. Isa na roon ‘yong tinanggihan siyang maka-loveteam ng isang starlet sa programang That’s Entertainment. Pati na rin sa pamilya ni Claudine Barreto no’ng pinagtambal ang dalawa sa isang pelikula ng Seiko Films.

“Huwag na po nating pag-usapan ang mga iyan. Basta ngayon ‘yong mga nag-a-ampalaya pa rin sa akin, eh, bahala na sila sa buhay nila. Ang importante, nakagawa tayo ng ikinasaya ng maraming tao at alam kong ikakabuti nila.

“At ‘yong iilan lang naman na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakapag-move on, mag-move na kayo. Balang-araw ay mare-realize din nila na ang isang Isko Moreno pala ay may nagawa para sa ikakaganda ng Maynila,” pagtatapos pa ng pinakasikat na Mayor ngayon sa buong Pilipinas.

-JIMI ESCALA