KARAMIHAN sa mga mamimili, sa supermarket man o pampublikong palengke, ay hindi alam na may itinitinda pala na recycled cooking oil at nag-aalala sila na baka ito ang kanilang nabibili at nagagamit sa pagluluto sa bahay.
Nagulat ako sa halos iisang pangambang ganito na ipinarating sa akin ng mga nakabasa sa nakaraan kong kolum, hinggil sa pagbaha sa merkado ng recycled cooking oil. Ang tanong nila na dapat sagutin agad ng mga awtoridad: “Paano malalaman na recycled cooking oil ang mga nasa pamilihan, at ano ang mga palatandaan?”
May nakausap akong ilang nagtitinda sa mga public market at talipapa na agad ipinagtanggol ang kanilang pagtitinda nito. Mismong mga suki nila— karamihan ay mga “street food vendor” at may-ari ng maliliit na karinderiya— ang umano’y naghahanap ng “recycled oil” dahil halos kapareho naman ang kalidad nito sa mga “branded” ngunit ‘di hamak na mura ang presyo!
Karamihan sa recycled cooking oil na mabibili ngayon sa merkado ay galing sa China, Taiwan at Hong Kong. “Gutter oil’ ang tawag dito. Ipinagbawal nila ang “gutter oil” dahil sa masama ito sa kalusugan. Ngunit sa halip na itapon, ini-export ito sa atin ng magagaling nilang negosyante para ibenta.
Nang ipasok sa bansa ang “gutter oil” ay para ito sa “alternative fuel” o “biodiesel” na pampalit sana sa krudo na patuloy ang pagtaas ng presyo. Hindi ito agad kinagat ng publiko kaya dito na ipinanganak ang recycled cooking oil.
Unang dinala nila ito sa mga pampublikong palengke at tiangge, kung saan agad itong tinangkilik ng mga kababayan natin na nagtitipid sa pamamagitan ng pagbili ng tingi-tingi.
Kalaunan ay naisa-botelya at plastic sachet na ang recycled cooking oil at nakasama na sa nakahilerang mga branded na cooking oil, sa shelves ng mga pangunahing supermarket sa buong bansa. ‘Yun lang, ang problema rito ay walang pagkakakilanlan ang itinitindang cooking oil sa merkado kung orihinal na “milled oil” ito o di kaya naman ay “used cooking oil”
Naalala ko pa, nag-umpisang pag-usapan sa international media ang tinatawag na “gutter oil” noong nakaraang dekada. May naglabasang kasing video noon sa social media, partikular sa YouTube, kung paano kinukuha ang mga bloke-bloke ng tumigas at natuyong mantika (sebo ang tawag natin dito) sa mga imburnal sa gilid ng kalsada sa China, Taiwan at Hong Kong, at pagkatapos ng mahabang proseso ay nagiging recycled cooking oil na ito.
Sinasabi sa mga ulat noon na 10 porsiyento ng kabuuang langis panluto sa buong China ay galing sa “gutter oil”, at ang karaniwang gumagamit nito ay yung mga nagtitinda sa bangketa o “street food vendor”.
Subalit nang magkaroon na sila ng batas na ipinagbabawal na ang paggamit nito, ini-export at kumalat naman ito sa mga bansa sa Asia, kabilang na ang Pilipinas, na agad tinangkilik ang “used cooking oil” sa merkado dahil sa murang presyo!
Ayon sa nakausap kong eksperto sa industriya ng coconut milling, unti-unting nawala sa merkado ang “milled coconut cooking oil” nang makapasok sa bansa ang ibang cooking oil na gaya ng Canola oil, Palm Oil, Corn Oil at generic na Vegetable Oil.
Tinangkilik ito ng ating kababayan kahit mahal ang presyo, dahil sa naglabasang medical report na ang “coconut oil” ay masama umano sa kalusugan. Nang lumobo ang importasyon ng mga naturang cooking oil, nalugmok ang industriya ng coconut oil sa bansa, kaya halos mawala na ito sa merkado!
Ito ang siste, lumabas sa mga pag-aaral na maganda pala sa kalusugan ang coconut oil, ngunit ibang bansa pa ang kumikilala ngayon sa bagay na ito – kaya sila ang nakikinabang sa ating produkto. Tayo naman ay taga-salo ng basura (gutter oil) na itinapon ng mga negosyanteng Tsino sa bansa.
Napabayaan kasi ang industriya ng niyog sa bansa, at dahil na rin sa napupuno ng kontrobersiya – batuhan ng alegasyon ng korapsyon – sa pagitan ng awtoridad na namamahala rito, lalong patungo sa bangin ang industriyang dapat sana’y kapaki-pakinabang sa ating kalusugan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.