ISANG 5.5 magnitude na lindol ang tumama sa Itbayat, Batanes, Sabado ng madaling araw, na sinundan ng mas malakas na 5.9 magnitude makalipas ang tatlong oras at isa pang pagyanig makalipas ang dalawang oras na may lakas na magnitude 5.8. Siyam na katao ang nasawi habang nasa 653 ang sugatan. Maraming istruktura ang nasira, kabilang ang konkretong kampanaryo ng Simbahan ng Nuestra Senora del Rosaria.
Agad na naglunsad ng search and rescue operation habang nakapagtala ng 60 aftershocks sa Itbayat, Basco, Sabang at iba pang bayan sa dulong hilagang probinsiya ng bansa. Ayon sa pulisya, nasa 911 pamilya ang kinailangan tumuloy sa mga evacuation centers. Sinabi naman ng National Risk Reduction and Management Council na nasa 3,000 tao ang naapektuhan ng lindol.
Tumama ang lindol sa Batanes, habang nagsasagawa ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng taunang Shake Drills, upang maihanda ang mga tao sa Metro Manila sakaling tumama ang magnitude 7.2 na lindol, na pinangangambahang maaaring tumama anumang oras dahil sa “Big One” na nasa West Valley fault na dumaraan mula sa Bulacan patungo sa Metro Manila, hanggang sa Cavite at Laguna.
Nagkataon din, na tumama ang lindol sa Batanes matapos ianunsiyo ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza ang kanyang panawagan na pagsiyasat upang pag-aralan ang napaulat na mga mababang kalidad na mga bakal na ginagamit umano sa konstruksiyon ng ilang matataas na komersyal at residensiyal na mga gusali sa bansa.
Sa pag-aaral na isinagawa at inihanda ni engineer Emilio Morales, dating pinuno ng Association of Structural Engineer of the Philippines, sinabi na mabababang kalidad na mga materyales ang ginagamit sa konstruksiyon ng ilang gusali sa Metro Manila, na hindi makakayanan ang isang magnitude 7.2 na lindol—ang inaasahang mangyayari sa “Big One”.
Sinabi ni Congressman Atienza na kakausapin niya ang Kamara upang magsagawa ng imbestigasyon para sa umano’y sabwatan sa pagitan ng ilang namamahalang ahensiya ng pamahalaan at ng ilang lokal na gumagawa ng mga bakal. Aniya, hindi nilalabag ng mga gumagawa ng bakal ang anumang batas na namamahala sa pagmamanupaktura ng bakal ngunit maaaring nagkaroon ng pagluluwag sa batas nang aprubahan ng mga ahensiya ng pamahalaan ang Grade 40 na bakal na pumasa bilang isang Grade 60. “We should not wait for the “Big One” to strike before we act to save thousands of lives,” ani Atienza.
Ang nangyaring lindol sa Batanes ang pinakabago sa serye ng mga kalamidad na tumama sa iba’t ibang bahagi ng bansa, gayundin sa ibang mga bansa, lalo na sa China, Indonesia, and Japan, sa lahat ng bahagi ng tinatawag na “Ring of Fire” sa palibot ng Pasipiko na regular na tinatamaan ng mga pagputok ng bulkan at mga lindol.
Hangad ng taunang earthquake drill ng MMDA na maihanda ang mga tao upang protektahan ang kanilang sarili, pangunahin, sa pamamagitan ng pagsunod sa payo na “Run, Shelter, and Cover,” at maging handa kasama ng mga emergency tools tulad ng medical kit. At pagsisiguro na ligtas ang ating mga gusali bilang bahagi ng pag-iingat at paghahanda