IBINALIK na ni Pangulong Duterte ang online Lotto matapos niyang suspendihin ito ng ilang araw dahil diumano sa malawakang kurapsiyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office. Nasasaktan ako sa isyung ito dahil maraming taon din akong nagsilbing PCSO Board director, mahigit tatlong dekada na ang nakaraan.
Masaya ang maliliit na Lotto outlet operators, mga empleyado nila, at mahihirap na natutulungan ng mga programang pangkawang-gawa ng pamahalaan na suportado ng kita mula sa Lotto. Nakahinga sila ng maluwag sa pagbabalik nito.
Dahil online ito, mahirap pakialaman at lokohin ang Lotto. Pati na ang resibong papel sa pagtaya ay isinusuplay ng PCSO at kuwentado ito. Hindi ganito sa ibang pasugal ng PCSO na nananatiling suspendido pa.
–o0o-
Ekonomiya ng Pinas, lilipad na. May katwiran ang mga Pinoy na umasang aangat na nga ang ating ekonomiya. Bukod sa mga “structural and policy reforms” na nakalatag na, may iba pang mga kaganapan at kundisyon na nagbabadyang magtulak sa higit na mabilis na pagsulong ng bansa.
Kasama rito ang paglago ng gross domestic product (GDP), ang ‘political will’ ng Pangulo, ang determinasyon ng infrastructure team ng pamahalaan at ang malikhaing mga estratehiya nito tiyak na aakit ng mga mamumuhunan, at ang dominasyon ng mga kaalyado ng administrasyon sa Kamara at Senado.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, isang kilalang ekonomista, ang 5.5% infrastructure to gross domestic product (GDP) ratio (6.3% kung isasama ang lahat ng capital outlays) ay palalaguin ng 9-11% ang GDP. Ang mga proyekto lamang ‘Build, Build, Build’ ay patataasin na sa P1.84 trilyon ang pamumuhunan sa mga imprestraktura sa taong 2022, mula P858 bilyon noong 2017, o 7.3% mula 5.4% ng GDP.
Ipinaliwanag niyang karaniwan ay sa ikatlong taon ng panunungkulan ng Presidente kung kailan tumataas ang GDP dahil noon lang kumakagat ang mga programa niya. Naganap diumano ito sa panahon nina dating Pangulong Arroyo at Aquino ngunit hindi umangat ang ekonomiya dahil napilitan silang magtipid dulot ng global financial crisis noon.
Tinataya ni Salceda na tuloy-tuloy ang pag-angat ng ekonomiya hanggang 2022 dahil sa malalaking imprastrakturang proyektong nagkakahalagang P24 trillion. Kasama rito ang P8.13-trilyong mga proyekto ng ‘Build-Build-Build;’ P6.40-trilyon ng Public-Private Partnership (PPP) na ang P750 bilyon at aprubado na; at ang P1.4-trilyong Clark Development.
Patunay diumano sa pag-angat ng pambansang ekonomiya ang 2.6 milyong kapaki-pakinabang na mga trabahong nalikha mula 2016, kasama ang halos kalahating milyon na nalikha sa unang kalahati ngayong 2019, na ang 207,000 ay mula sa industriya ng konstruksiyon.
-Johnny Dayang