“SA tagubilin ni Executive Secretary Salvador Medialdea, inalis ng Pangulo ang suspensiyon ng operasyon ng Lotto. Pero, ang iba pang gaming operations ng PCSO na may prangkisa, lisensiya at permiso, tulad ng small town lottery, Keno at Peryahan ng Bayan ay mananatiling suspendido hanggang hindi natatapos ang imbestigasyong isinasagawa ng Office of The President hinggil sa mga ilegal na gawain at kurapsyon,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo nitong Martes ng gabi, apat na araw pagkatapos na iutos ng Pangulo ang pagsususpinde sa lahat ng gaming operations ng PCSO.
Iniutos ng Pangulo ang pagpapasara ng mga ito dalawang oras pagkatapos ng kanyang pulong kay PCSO General Manager Royina Garma, noong nakaraang Biyernes. Sa nasabing pulong, humingi ng tulong si Garma sa Pangulo para masupil ang kurapsyon sa ahensiya. Ayon sa ulat, hindi inihayag ng Malacañang ang sinabi ni Goyima kay Pangulong Duterte. Hindi rin iniulat kung kusang nagtungo si Goyima sa Malacañang o ipinatawag siya ng Pangulo.
Kahihirang lang kay Goyima na dating Chief of Police ng Davao City. Ayon kay Sen. Bong Go, iniulat ni Goyima sa Pangulo na kailangan niya ang tulong nito dahil nahihirapan siyang patigilin ang kurapsyon sa PCSO at malaki ang nalulugi ng ahensiya sa mga ibang gaming operations nito. Hindi, aniya, hiniling ni Goyima sa Pangulo ang pagsasara ng mga ito. Ang Pangulo mismo ang nagpasiya na ipasara ang mga ito at repasuhin ang mga kontrata. Kaya, mahalaga kung si Goyima ay kusang nagtungo sa Pangulo o kaya ipinatawag siya nito dahil hindi ibinunyag ng Malacañang kung ano ang kanyang sinabi rito. Kung totoo ang balita at ang napabalitang sinabi ni Sen. Bong Go sa mamamahayag, na humingi ng tulong si Goyima, siya ang nagkusang tumungo at nag-report sa Pangulo. Pero, kung ipinatawag siya ng Pangulo, may impormasyong hiningi ito kay Goyima na ayaw ilabas ng Malacañang ang kanyang naging kasagutan. Kasi, bago iutos ng Pangulo ang pagsasara ng gaming operations ng PCSO, kabilang na rito ang Lotto, nakatakdang isubasta ang lease agreement hinggil sa mga Lotto equipment ng PCSO sa Hulyo 31. Magtatapos na kasi ang lease agreement ng PCSO sa Pacific Online Systems Corp. May bagong grupong taga-Malaysia na sinusuportahan ng politiko at gaming expert na nagnanais makakuha ng kontrata. May kaugnayan kaya ito sa dagling pagsasara ng grupo ni PNP Chief Albayalde sa mga Lotto outlet sa utos ng Pangulo?
Mayroon man o wala, hindi dapat na sundin ni Albayalde ang utos ng Pangulo na nasa laway lang. Paano kung kumambiyo ang Pangulo, ano ang paghahawakan ni Albayalde? Sa isang demokratikong bansa, tulad ng Pilipinas, na nasa ilalim ng Rule of Law at Saligang batas, anumang kautusan o dekreto ay dapat nakasulat para malaman kung ito ay akma rito. Tulad ng kasunduang pinasok ng Pangulo sa China hinggil sa pangingisda nito sa West Philippine Sea, ang pagsasara ng Lotto na nakakaapekto sa kapakanan ng sambayanan ay dapat nakasulat.
-Ric Valmonte