NOON pa sana nasimulan ang pagtatayo ng Mega-Manila Subway System para sa kabuuang solusyon sa pangangailangan ng epektibong pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
Gayundin, ang mga naglalakihan at nagsisikipang lungsod sa Pilipinas, halimbawa ang Cebu, na pinaghandaan din.
Maraming pamamaraan ang ginamit ng nakalipas na mga pangulo, ang LRT sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos. Skyway sa ating lansangan kay Fidel Ramos. Siyempre ang MRT na pinasinayaan din sa Edsa.
Ang number coding, na layong pagbawalan ang ilang sasakyan lumabas sa mga piling araw. Nariyan din ang panukala na buksan ang mga pribadong villages sa Edsa, halimbawa ang Forbes Park. Napag-isipan din ang BRT (Bus Rapid Transit) at car-pooling.
Pero nabasura ang BRT dahil lalo lamang magpapasikip sa nasabing highway. May hakbang din na alisin ang mga bus terminal sa EDSA. Habang may ‘point-to-point’ din naman na pinaiiral. Sa katatapos lamang na SONA, inutusan ni Presidente Rodrigo Duterte ang mga alkalde na linisin ang lansangan mula sa mga illegal parking at sidewalk vendors upang ibalik ang kalsada sa taumbayan.
Malaking hamon ang trapik sa ating mga lungsod. Ayon sa JICA, P5.4 bilyong piso ang nawawala sa ating ekonomiya araw-araw dulot nito. Tuloy, muling sumasagi sa isipan ko si dating MMDA bosing Police General Florencio Fianza.
Noon pa niya inamin sa publiko na “walang solusyon” ang trapiko sa EDSA at Metro Manila. Totoo at nagkatotoo talaga ang kanyang hula. Puro lang panandaliang lunas ang ipinatutupad sa nabansagang “stand-still traffic” o “paradahan sa kahabaan ng EDSA.”
Kaya kahit huli na, malaking pasasalamat na nasimulan ang subway project, o tren sa ilalim ng lupa.
Mula Valenzuela sa Hilaga, aabot ito hanggang Dasmarinas Cavite. Dadaan ito sa mga lungsod ng Quezon, Pasig, Makati, Taguig, Pasay, atbp. kasama ang airport. Mga 15 istasyon.
Kung babaybayin ng sasakyan ang buong hangganan, halos 4 na oras ang bubunuin. Sa subway 30 minuto lamang.
Sa matulin na takbo na 80 kilometers per hour. Tinataya ring nasa 1.5 milyong pasahero ang makikinabang sa proyektong ito na inaasahang sa 2022 ang partial opening.
Nagkakahalaga ito ng P227 bilyong piso sa National Budget na mula sa tulong ng Japan. Subway ang naging solusyon sa trapiko ng Singapore, Japan, Madrid, London, New York, Moscow, Shanghai atbp. Bakit ngayon lang natin napag-isipan ito?
-Erik Espina