HINDI na lang pang-akademya ang selebrasyon ng Buwan ng Wika, na dati ay itinatampok sa mga Balagtasan, pagsulat ng sanaysay, o pagguhit ng posters sa paaralan, dahil ngayong taon, marami at sari-sari ang aktibidad na maaaring salihan upang higit na maisapuso at maging makabuluhan ang pagmamalaki sa wikang Filipino.
Sa flag-raising ceremony sa Dambana ni Andres Bonifacio sa Maynila nitong Lunes, Hulyo 29, pormal na inilunsad ang Buwan ng Wika, sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ng lokal na pamahalaan ng tinaguriang “rockstar” na si Mayor Isko Moreno.
Sinundan ito ng “Kapihang Wika: Buwan ng Wika Press Conference”, kasabay ng pagbubukas ng mga Sentro ng Wika at Kultura (SWAK) centers sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa KWF, layon ng tema ngayong taon na “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino”, na magkaroon ng kamalayan ang publiko para sa mga kababayan nating katutubo, partikular sa naglalaho na nilang wika.
‘PANGUNAHING PAMANANG KULTURA’
Sa kanyang talumpati sa nasabing okasyon, sinabi ng National Artist na si Virgilio Almario, tagapangulo ng KWF, na ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na ipinagbunyi ng bansa ang 130 katutubong wika sa Pilipinas.
Sabi ni Almario, “Ang wika po kasi ang una at pangunahing pamanang pangkultura ng sangkatauhan. Ito ang nagbibigay artikulasyon sa ating nakaraan, sa ating kasaysayan ng mga tagumpay at pagkabigo.
“Nása wika ang yaman ng ating nakaraang hitik sa katutubong karunungan,” dagdag niya.
Nagbabala pa si Almario, chairman din ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), sa posibilidad ng tuluyang paglalaho ng mga katutubong wika sa bansa.
“Kung hindi natin ito aalagaan, manganganib ito; at kung pababayaan, maaari pang maglaho nang tuluyan.
Dagdag pa niya, “Kapag naglalaho ang isang wika, ‘tila may isang tahanan o kamalig ng ating alaala at tradisyon ang mawawala at ‘di na mababawi kailanman.”
Nagkataon ding ipinagdiriwang ngayong 2019 ang International Year of Indigenous Languages (IYIL), batay sa resolusyong pinagtibay sa United Nations General Assembly noong 2016. Ang nasabing resolusyon ay inirekomenda ng Permanent Forum on Indigenous Issues, na nagsabing 40 porsiyento ng kabuuang 6,700 wika sa mundo ang nanganganib na tuluyang maglaho, at karamihan sa mga ito ay gamit ng mga katutubo.
ANO’NG MGA GANAP?
Para sa Buwan ng Wika, idaraos sa Agosto 2-4 (Biyernes hanggang Linggo) ang 6th Philippine Readers and Writers Festival sa Raffles Makati para sa pagkakataong makahalubilo ng mga mambabasa ang mga awtor ng librong binabasa nila, iniulat ng M2.0 Communications, Inc. Libre ang entrance sa nasabing event.
Maaari namang magbalik-alindog sa pagsali sa Pinoy Fitness Kasama Run 2019 sa SM by the Bay sa Linggo, Agosto 4, at puwedeng magsama ng sinisinta at ng alagang aso. Mayroon itong 5K, 10K, 16K—at Doggie run.
Agosto 5-7 naman idaraos ng Departamento ng Filipino, Sentro sa Salin at Araling Salin ng University of Santo Tomas (UST), ang ikapitong edisyon ng “Hasaan”, isang pambansang kumperensiya sa pagsasalin na mayroong Continuing Professional Development points.
Lunes, Agosto 5, din ilulunsad ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng University of the Philippines (UP), ang programang Pamatyag ang Filipino. Sisimulan ito ng 10:00 ng umaga at tatagal hanggang 11:30 ng umaga, sa ikalawang palapag ng AS Lobby ng Bulwagang Palma. Magkakaroon din ng iba’t ibang programa ito, tulad ng seryeng panayam (Agosto 15, 23, 30) at pagsasanay at pagbuo ng materyal gamit ang bloom software (Agosto 24).
May sarili namang tema ang Sentro ng Wikang Filipino (SWF) ng UP Diliman, ang “Wikang Filipino, Edukasyong Makabayan: Isulong, Ipaglaban!”, para sa Sulong 2019: Buwan ng Wika, sa Agosto 8, 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, sa Benitez Theater, College of Education sa Diliman campus.
PAMBANSANG KONGRESO SA KATUTUBONG WIKA
Sa panig ng punong-abala sa okasyon, magsasagawa ang KWF ng Panrehiyong Seminar sa Pananaliksik sa Wika at Kultura: Pagpapahalaga at Pagpreserba sa mga Katutubong Wika Bilang Yaman ng Bansang Filipino, sa SWK Jose Rizal Memorial State University sa Agosto 10-11.
Ilang araw matapos ito, Agosto 14 naman ipagdiriwang ang ika-28 Araw
ng Pagtatatag ng KWF.
Pagsapit ng Agosto 19-21, idaraos ng komisyon ang Pambansang Kongreso sa Katutubong Wika, na gaganapin sa SMX Convention Center sa Bacolod City, Negros Occidental. Katuwang ang La Consolacion College Bacolod, 400 lang ang slot para sa mga nais makibahagi, sa patakarang “first come, first served”.
At papaano nga ba mas madadama sa puso ang pagpapahalaga sa wikang Filipino? Eh ‘di sa pagkanta ng mga awiting Pilipino, sa Hydro Manila Music Festival 2019, sa Agosto 17, 4:00 ng hapon.
Iniimbitahan ding makiisa ang mga ina sa SM Care Breastfeeding Hakab Na 2019 sa SMX Manila sa Agosto 18.
UNANG LINGGO NG WIKA
Taong 1946 nang ipagdiwang ang kauna-unahang Linggo ng Wika, sa deklarasyon ni Pangulong Sergio Osmena.
Binago ito ni Pangulong Ramon Magsaysay noong 1955, sa bisa ng Proklamasyon Bilang 186, na nagtatakda sa pagdiriwang sa Agosto 13-19, kasabay ng kapanganakan ni Pangulong Manuel L. Quezon, na nagproklama sa Filipino bilang pambansang wika. Mula sa pagdaraos ng Linggo ng Wika, itinakda ang Agosto bilang Buwan ng Wika sa bisa ng Proklamasyon 1041 ni Pangulong Fidel V. Ramos, taong 1997.
-NIMROD RUBIA