MAHIRAP hulaan o malaman kung kailan tatama o magkakaroon ng lindol sa alinmang lugar. Ganito ang nangyari sa Batanes noong Sabado nang lumindol sa lalawigan na ang napuruhan ay ang bayan ng Itbayat.
Batay sa ulat ng National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may walong tao ang namatay (hindi nasawi) at 3,000 indibiduwal o 911 pamilya ang apektado ng lindol. May 2,963 tao naman ang na-displace ng lindol at sa isang public market sa Barangay San Rafael, Itbayat sila nagsisituloy. Doon sila binibigyan ng relief goods at iba pang ayuda.
Batay sa report, nagkaroon ng 180 aftershocks na sumira sa mga bahay, paaralan, health facilities at imprastraktura. Sana ay tulungan ng gobyerno at ng ating mayayamang mga kababayan ang mga taga-Batanes na tinamaan ng lindol.
Sa biglang bugso ng damdamin at galit, iniutos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang pagpapasara sa lahat ng gaming operations ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Dahil sa ganitong situwasyon, tiyak na malulugi ang gobyerno ng bilyun-bilyong kita mula sa lotto na ang pondo ay ginagamit sa pagtulong sa mga maysakit, gaya ng dialysis, operasyon sa puso at iba pa.
Sa banner story ng pahayagang BALITA noong Lunes, ganito ang nakasulat: “21,000 lotto, STL outlets isinara.” Nanguna sina PNP Chief Director General Oscar Albayalde at PNP Maj. Gen. Guillermo Eleazar sa pagpapasara sa PCSO outlets sa buong bansa. Karamihan sa isinara, ayon kay PNP spokesman Col. Bernard Banac, ay STL betting at lotto outlets, Keno at Peryahan ng Bayan.
Naniniwala si Sen. Panfilo Lacson na hindi dapat isinama ni PRRD ang lotto sa pagpapasara sa operasyon sapagkat wala naman daw alegasyon na niloloko ng lotto operators ang gobyerno. Ang dapat daw ipatigil ay ang operasyon ng STL.
Binigyang-diin ni Lacson na kung talagang determinado si Mano Digong na ipatigil ang pagsusugal sa bansa, lahat ng uri ng sugal, kabilang ang PAGCOR-regulated games tulad ng casinos at online gambling ay dapat ding ipasara o itigil ang operasyon.
Sa pagsasara ng PCSO gaming operations, malaki ang epekto nito sa mga may sakit na humingi ng tulong sa tanggapan. Kabilang sa apektado ay iyong nagpapa-dialysis nang tatlong beses isang linggo, operasyon sa puso at iba pang sakit na medyo may kamahalan ang bayad sa ospital.
Naniniwala ang taumbayan na kung talagang desidido si PDu30 na tabasin ang sungay ng kurapsiyon at kabulukan sa PCSO, ang dapat niyang gawin ay isapubliko ang nasa likod ng anomalya, ihayag ang kanilang pangalan tulad ng ginawa niya noon sa ilang Heneral noong 2016 na sangkot umano sa illegal drugs at katiwalian. Isinapubliko rin niya ang mga pulitiko, kongresista, governor, mayor, barangay officials na sangkot sa ilegal na droga.
Kasuhan ang mga tiwali, pag-usigin at ipakulong. Hindi dapat maulit ang ilang insidente na tinatanggal lang sa puwesto ang isang pinuno at inililipat sa ibang puwesto. Dapat ay ipaalam sa publiko kung sinu-sino ang mga tarantadong opisyal ng PCSO na kasapakat ng mga timawang gambling operators na nagiging dahilan ng pagkalugi ng gobyerno ng 60 hanggang 70 porsiyento ng revenue o kita.
-Bert de Guzman