MAKABALIK sa winner’s circle ang tatangkain ng Jose Rizal University sa pakikipagtuos sa Emilio Aguinaldo College ngayon sa NCAA on Tour sa kanilang balwarte na JRU gym sa Mandaluyong City.
Magkakasubukan ang Heavy Bombers at Generals ganap na 4:00 ng hapon pagkatapos ng salpukan ng kani-kanilang juniors squad sa home-and-away program ng liga.
Makaraang makapagtala ng dalawang dikit na panalo, nalaglag ang JRU sa nakaraan nilang laro kontra Lyceum noong Hulyo 26 sa iskor na 77-95 na nagbaba sa kanila sa kartadang 2-4.
Sa naturang laban, na-eject si Heavy Bombers coach Louie Gonzales sanhi ng dalawang technical fouls sa bungad ng third period at natawagan ng disqualifying foul si Agem Miranda matapos sadyang saktan si Beirn Laurente may 3:13 ang nalalabi sa laro.
Kahapon, bilang tugon sa apela ng JRU, inalis ng NCAA Management Committee ang awtomatikong 1-game suspensiyon kay Gonzales habang nanatili naman ang ipinataw na suspensiyon kay Miranda.
Kaugnay nito, binigyan naman umano ng babala ng ManCom ayon kay chairman Peter Cayco ng host Arellano si Gonzales na kung mauulit ang mga pangyayari ay hindi na sila mag-aatubiling suspindihin na ito.
At bago magsimula ang laban ng EAC at JRU may nakatakdang pulong si Gonzales sa ManCom.
Para naman sa kampo ng dadayong Generals, magkukumahog itong makaahon sa kinasadlakang tatlong dikit na kabiguan na nagbaba sa kanila sa markang 1-4, kasalo ng koponang huling tumalo sa kanila noong nakaraang Biyernes, ang Arellano Chiefs sa iskor na 77-86.
-Marivic Awitan
Standings W L
San Beda 4 0
CSB 4 0
Letran 5 1
LPU 4 1
SSC-R 2 3
Perpetual 2 3
JRU 2 4
Arellano 1 4
EAC 1 4
Mapua 0 5
Laro Ngayon
(JRU Gym)
4:00 n.h. -- JRU vs EAC (M)