INAALALA natin ngayon, sa kanyang ikasampung taong kamatayan, ang unang babaeng pangulo ng Pilipinas – si Corazon C. Aquino – na nanguna sa panahon ng transisyon para sa pagbalik ng bansa sa demokratikong pamamahala noong 1986 makalipas ang 20 taong panahon ng martial law at awtoritaryan na pamumuno.
Napunta sa sentro ng pambansang kaguluhan si Pangulong Aquino matapos ang 1986 People Power Revolution. Nakuha niya ang atensiyon ng bansa matapos ang pagkamatay ng kanyang asawa, si opposition leader Sen. Benigno S. Aquino Jr., na pinaslang sa tarmac ng Manila International Airport noong Agosto 21, 1983. Wala siyang anumang pulitikal na posisyon noon, ngunit ngayon tinitingala siya ng mga lider ng bansa bilang daan sa pagkakaisa at namuno sa bansa sa panahon ng pagbangon.
Gamit ang galing at kumpiyansa, tumuloy si Pangulong Aquino at pinangunahan ang pagbuo at ratipikasyon ng bagong konstitusyon noong 1987. Namuhay ang bansa sa ilalim ng Konstitusyon ng 1935 mula nang maitatag ang Commonwealth, na sinundan ng Ikalawang Republika ng Pilipinas sa pananakop ng mga Hapon, at ang Konstitusyon ng 1973 sa ilalim ng batas militar. Ngayon, noong 1987, pinangunahan ni Pangulong Aquino ang bansa, sa pagpatibay ng isang bagong demokratikong konstitusyon, na ginagamit natin sa kasalukuyan.
Sa kanyang anim na taong administrasyon, ang Kongreso, na muling itinatatag bilang isang malayang sangay ng pamahalaan, ay nag-apruba ng mga pangunahing batas tulad ng Family Code of 1987, ang Administrative Code of 1987, at ang Local Government Code of 1991. Bumoto ang Senado ng Pilipinas laban sa bagong kasunduang militar sa Amerika kung saan ibinaba ang watawat ng Amerika sa huling base militar nito sa Subic noong 1992.
Isinalin ni Pangulong Aquino ang pamumuno sa bansa kay Pangulong Fidel V. Ramos noong 1992 at bumalik sa aktibong buhay kasama ng pagpapatuloy sa interes ng politika sa bansa at mga panlipunan aktibidad, hanggang sa pumanaw siya noong Agosto 1, 2009, sampung taon na ngayong araw.
Dinumog ng daang libong mga tao ang kanyang libing—mula Quezon City hanggang Maynila, patungo ng Pasay, hanggang sa Paranaque, kung saan inilagak ang kanyang labi noong Agosto 5, katabi ng kanyang asawang si Ninoy Aquino.
Ngayong araw, sa kanyang ika-10 anibersaryo ng kamatayan, muli nating inaalala at binibigyang-pugay si Corazon C. Aquino, na lagi’t laging maaalala bilang “icon of democracy” para sa kanyang naging gampanin sa kasaysayan ng ating bansa.