HABANG nanonood ng Hello Love Goodbye, naalala ko ang isa sa earliest amusing anecdotes na narinig ko habang nagkakaisip sa sinilangan kong bundok sa Sierra Madre, sakop ng Camarines Sur. Kalaunan ko nalaman na nangyari pala ito bago pa man ako isinilang, pero paulit-ulit na pinagkukuwentuhan ng buong angkan.

Kathryn at Alden

Mag-amang kamag-anak namin ang bida, early 40s na ang tatay samantalang four years old pa lang ang bata, halos bulol pa pero madaldal, ‘enfante terrible’.

Gabi, madilim kahit may sindi ang gasera, malakas ang ulan sa labas pero tumutulo rin sa loob ng bahay dahil maraming butas ang bubong na pawid. Sinisikap ng ama na parikitan ng apoy ang basang kahoy na panggatong, dahil magsasaing sila. Nakaharap at nanonood sa kanya ang bata, na umarya ng iisang tanong:

Kalokalike ni Awra Briguela, mas maganda pa raw sa kaniya

“’Tay, hanggang ganito na lang ba tayo, ‘Tay?”

Mismong ama ang nagkuwento sa elders ng angkan, kasama ang lolo ko, naaliw siya sa kadaldalan ng anak niya pero alam niyang may laman ang tanong. Kaya humingi siya ng payo sa mga kaanak kung ano ang mabuti niyang magagawa sa pamumuhay nila.

Nag-relocate sila kalaunan sa lupain nila na malapit sa bayan.

Ito ang isa sa main themes ng Hello Love Goodbye. Nursing graduate si Joy (Kathryn Bernardo) na domestic helper sa Hong Kong, tulad ng ina (Maricel Laxa) na nagpakasal sa amo. “Ipinamigay ng asawa kapalit ang ginhawa. Nabulag kasi sa aksidente ang kanyang ama sa Pilipinas at may dalawa siyang kapatid na panay ang ungot ng mga ipinabibiling gamit.

Nakilala niya si Ethan (Alden Richards) na mayroon namang amang baldado (resident ng Hong Kong), nakababatang kapatid na galit sa kanya dahil sa kapabayaan niya, at bunsong kapatid na naiwan sa Pilipinas.

Tribute sa breadwinners na migrant workers ang Hello Love Goodbye, seryoso ang tema, pero hindi kayo maiinip sa pagkakakuwento.

Bukod kasi sa tadtad ng humor, maraming bagong mapapanood sa Hello Love Goodbye. Bago pati mismo ang humor, bago ang atake sa luma nang paksa, mas mahusay na filmmaker dito si Cathy Garcia, maraming bago sa pagganap nina Kathryn at Alden. Hindi na sila basta stars lang, dahil napatunayan nila sa pelikulang ito na actors sila. Tunay silang alagad ng sining ng pagganap, wala nang duda.

Tinatalakay sa pelikula ang walang katapusang struggle ng tao, lalo na ng migrant workers. ‘Yung habang nasa Pilipinas ka, gusto mong magtrabaho sa Hong Kong; habang nasa Hong Kong, gustong makalipat ng trabaho sa Canada; at hindi pa man nakakarating ng Canada, may mithiin ding makarating ng Amerika.

Human nature ang paghahangad ng mas komportableng kalagayan sa buhay, lalo na si Joy na tira-tira ng pinaglilingkurang amo ang kinakain -- nang walang reklamo. Kumukulo ang kalooban niya na laging sarili na lamang niya ang huli sa lahat, gusto niyang tumakas sa napakaraming mabibigat na responsibilidad sa pamilya, pero pinapangarap pa rin niyang mabuo sila sa Canada.

Paiiyakin ang moviegoers ng pelikulang ito, hindi lang isang beses, lalo na nang sabihin ni Joy na ang choice sa buhay ay para lang sa mayayaman.

“I am more than this job,” wika niya kay Ethan.

Mariin ang pagtutol niya na ito na ang hangganan ng kapalaran niya.

“I want more!” sabi pa niya.

Matino at maayos ang script at well-crafted ang Hello Love Goodbye. Well-defined ang character nina Kathryn at Alden at nagampanan nila ito nang buong husay.

Huwag mag-alala ang fans na nag-aabang ng kilig, loaded ito. Kargado rin ito ng comic relief kaya walang antok factor, maraming salamat sa mahusay ding performance nina Maymay Entrata, Kakai Bautista, Lovely Abella, Joross Gamboa, at Jeffrey Tam.

Nagsasalaysay ang Hello Love Goodbye ng kuwento ng ating migrant workers, ang bumubuhay ng mahigit sampung milyong pamilya at tagapagligtas ng Philippine economy sa kabuuan. Pero kuwento rin ito ng lahat na mabubuti at responsableng mamamayang Pilipino na naghahangad ng mas maayos na buhay, mas maunlad at payapang Pilipinas o mundo.

Pero katulad tayong lahat ni Joy, nasanay na sa hirap, lasug-lasog na sa mga giyera ng buhay, sa pagsisilbi sa ibang tao, nagkasya na sa masikip na tirahan ng amo, kaya nalula nang dalhin ni Ethan sa ituktok ng bundok.

“Ang lawak ng mundo, Ethan,” sabi niya, “natatakot ako.”

Highly recommended namin ang pelikulang ito sa lahat, lalo na sa mga naniniwalang may magagawa pa tayo para matupad ang pinapangarap nating mas maayos na buhay at lipunan.

-DINDO M. BALARES