TALAGANG masuwerte ang kasalukuyang henerasyon ng mga motorista?
Sa isang pindot lang, malalaman nila ang direksiyon sa kanilang patutunguhan.
Dati-rati, kailangan pang bumili ng mga mapa na kasing lapad ng hapag-kainan sa bahay.
At hindi lang ‘yan. Kailangan ding kumuha ng ballpen at papel upang isa-isang ilista ang mga daraanang intersection para hindi magkamali sa pagliko ng sasakyan at baka kung saan pa mapunta.
Sa paggamit ng mapa, mas ligtas sa motorista ang itigil ang sasakyan muna upang beripikahin kung tama ang direksiyon na kanilang tinatahak.
At kung malayo ang destinasyon, siguradong ilang beses niyong titiklupin at bubuksan ang mapa.
Subalit ngayon, hindi ka ‘in’ kung isa kang motorista na hindi pa rin bihasa sa paggamit ng Waze, isang app na nagbibigay ng tamang direksiyon.
Matituturing na isang malaking hakbang sa teknolohiya ang pag-usbong ng Waze app.
Katapat ng Waze ay ang Google map, na nagbibigay rin ng direksiyon para sa mga motorista.
Kung baga, marami pang ibang mapagpipilian.
Ang maganda sa mga ito ay maraming feature na talagang pakikinabangan ng mga motorista.
Sa pamamagitan ng Waze, agad mong malalaman kung saan matatagpuan ang mga kainan, gasolinahan at maging himpilan ng pulisya.
Maya’t maya ay ipinapaskil din ang kasalukuyang presyo ng gasolina.
Isang innovative feature ng Waze ay kaya nitong i-set ang mode sa kotse o motorsiklo upang maisaayos ang tamang estimated time of arrival (ETA) sa destinasyon.
Ang isang malaking pakinabang ng Waze ay upang maiiwas ang driver sa mga lugar kung saan matindi ang trapik.
Nakaaaliw talaga ang paggamit nito bagamat mayroong ding panahon na pumapalpak ito.
Ilang beses rin naranasan ni Boy Commute na gumamit ng Waze subalit itinuro ito sa isang liblib na lugar kung saan mahina ang internet signal.
Minsan ay talagang nakatatakot din na maligaw gamit ang Waze.
Kaya kapag ito ay pumalpak, balik tayo sa dating pamamaraan na magtanong sa mga residente kung saan ang tamang daan.
Sana lang ay huwag kayong dagain sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya tulad nito dahil malaki talaga ang maitutulong nito sa inyong araw-araw na gawain.
Totoo nga’t dahan-dahan na tayong kinokontrol ng teknolohiya.
Subalit ang tanong: May magagawa ka ba kung hindi sumunod lang sa teknolohiya?
Gumagana ang Waze sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS).
At halos saang sulok ng mundo ay mahahanap na ang lokasyon gamit ang GPS technology.
Magpasalamat tayo sa makabagong teknolohiya
-Aris Ilagan