SINABI ni Gat Jose Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.”

Panay-Bukidnon tribe_2

Binubuo ang Pilipinas ng 7,107 pulo, na mayroong iba’t ibang diyalekto, bagamat nagkakaroon ng pagkakaunawaan dahil sa pambansang wika, ang Filipino.

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), aabot sa 130 ang katutubong wika sa bansa. Pinipili ng ilang taga-probinsiya ang paggamit ng kanilang katutubong wika bilang lingua franca. Sa kasalukuyan, mahigit 60 porsiyento ng mamamayan ang nagsasalita ng Pilipino.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

BNW logo_2

Ang 2019 ay idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) bilang International Year of the Indigenous Languages (IYIL).

Kaya naman ngayong taon, “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino” ang temang itinakda ng KWF para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, bilang pagpapahalaga sa mga katutubong wika sa Pilipinas.

OPISYAL NA LENGGUWAHE RIN

Ang tema ng Buwan ng Wika ay sumusuporta sa Artikulo 15, Seksyon 7 ng Saligang Batas, na nagsasabing dapat ituring na auxiliary official languages ang mga katutubong wika sa bansa.

Alinsunod sa nasabing batas, inilunsad ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) upang tuluy-tuloy na hasain ang mga estudyante sa paggamit sa kanilang kinamulatang wika bago turuan ng Filipino at English sa mas mataas na antas ng edukasyon.

Kabilang sa mga wikang saklaw ng nasabing programa ang Aklanon, Bikolano, Cebuano, Chabacano, Hiligaynon, Iloko, Ivatan, Kapampangan, Kinaray-a, Maguindanaoan, Meranao, Pangasinense, Sambal, Surigaonon Tagalog, Tausug, Waray, Yakan at Ybanag.

Simula kindergarten hanggang ikatlong baitang, gagamitin ang mother tongue bilang wikang panturo, ayon sa mga panuntunan ng MTB-MLE.

ANG ‘LIGBOK’ NG PANAY-BUKIDNON

Gayunman, taliwas ito sa suliranin ngayon sa Capiz, partikular sa bayan ng Tapaz. Isang komunidad ng tribung Panay-Bukidnon ang napag-alaman na dating nagsasalita ng wikang “Ligbok”. Pero dahil bihira na itong ginagamit sa komunikasyon, unti-unti na itong nabubura sa isipan, lalo na ng kabataan.

Ayon kay Purificacion de Lima, komisyoner sa programa at proyekto ng KWF, ang patuloy na pagkakadiskubre ng iba’t ibang pangkat-etniko ay nagsisilbing hamon sa mga dalubhasa na tipunin ang iba’t ibang wika sa bansa, kabilang na ang Ligbok.

Bunsod ng pagtigil ng mga komunidad ng katutubo sa paggamit sa sarili nilang wika, ang mga epiko, gaya ng “Sugidanon” ay sa isipan na lamang nila nakakintal.

BANTAY-WIKA

Kung ikukumpara sa Hiligaynon, malalim ang salita ng Ligbok at hindi rin madaling makilala ang tono, dahil sa pagbigkas nito.

Sa pagsasanib ng Filipino at ng ibang katutubong wika, lalo na sa pang-araw-araw na pakikipag-usap, isang aspekto ito ang pagkakalikha ng “bantay-wika”.

Isang halimbawa ang pangunahing hamon ngayon ng wikang Filipino sa mga Kalinga. Natukoy na ang papalit-palit na tunog at pagdadala ng mga Kaling sa intonasyon ang nagbunsod upang mawala ang interes ng kabataan na pag-aralan ang wikang Filipino.

Sa pagtatatag ng bantay-wika, pinasigla nito ang pagpasok ng mga katutubong salita na nagpayaman sa bokabularyong Filipino.

Kinakailangan ding matukoy agad ang mga naturang pagsasanib sa leksikon, istruktura ng pangungusap, at intonasyon upang mabigyan ng karampatang motibasyon bilang simbolo ng pagiging iisang bansa na may kinikilalang pangunahing wika.

Masasabing malaki ang naibigay na tulong ng ganitong panibagong sistema sa adhikain ng mga dalubwika sa bansa.

Isang pilosopong post-colonial ang nagsabing kaakibat ng pagsasalita ng isang wika ang pagpapakilala ng isang kultura sa mundo.

Sa ganitong paniniwala, direktang maiuugnay ang etnisidad ng Filipinas sa mga katutubong wika nito.

Maituturing din itong tulay upang mawari ng mga Pilipino ang kanilang pambihirang pagkakakilanlan. Sa panahon ng pagsasama-sama ng mga paniniwala at paglubog-paglitaw ng mga tradisyon, mahalagang malaman ang lugar ng mga Pilipino sa mundo.

Bilang mga Pilipino, higit sa kulay kayumanggi na kinaiinggitan ng ibang lahi, at sa iba’t ibang panig ng napag-iisang pulitika, marapat na patingkarin maging ang mga kulay ng ating wika.

-KRIZIA RODRIGUEZ