NARARANASAN ngayon ng Europa ang heat wave na bumasag sa maraming tala ng temperatura sa maraming bansa. Naitala sa Paris, France ang 42.6 degree Celsius nitong nakaraang Huwebes, Hulyo 25, na bumasag sa 70-taong record ng 40.4°C. Kumalat na ang heat wave sa buong bahagi ng Kanlurang Europa—38.7°C sa Cambridge, England; 41.8 C sa Begijnendijk, Belgium; 39°C sa Luxembourg; 40.7°C sa Gilze-Rijen, Netherlands; 42.6°C sa Lingen, Germany.
Kung ihahambing, naitala ng Metro Manila ang pinakamainit nitong temperatura ngayong taon sa 36.6°C noong Abril 21.
Patuloy na lumalawak ang heat wave sa hilagang bahagi sa Norway, Sweden, at Finland, kasama ang Bergen, Norway, kung saan nakapagtala ito ng mataas na record nitong nakaraang Biyernes sa 32.8°C. Pinalala ng tumataas na init ang pagkatunaw ng mga malalaking pitak ng yelo sa Greenland, na nagdadagdag ng tubig sa mga karagatan ng mundo. Kung patuloy na matutunaw ang malalaking pitak ng yelo, inaasahang tataas ang lebel ng karagatan ng mundo sa 23 talampakan.
Kabalintunaan, ang Paris ang nakararanas ngayon ng pinakamatinding init ng kasalukuyang heat wave, lugar kung saan inaprubahan noong 2015, ng nasa 174 estado kasama ang European Union ang Paris Agreement upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng temperatura ng daigdig sa higit 1.5°C na mas mataas sa pre-industrial level. Sumang-ayon ang mga bansa sa mundo ng aksiyon upang mapigilan ang kani-kanilang inilalabas na industrial gases, sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga plano upang makamit ito.
Gayunman, isang bansa ang tumanggi sa Paris Agreement –ang Estados Unidos, na kahahalal lamang noon ng bagong pangulo, si Donald Trump. Napunta sa Europa at China ang tungkulin upang mamuno sa hakbang upang mabawasan ang industrial emissions na nagdudulot ng climate change.
Oktubre nitong nakaraang taon, iniulat ng UN-backed Intergovernment Panel on Climate Change ang patuloy na pagtaas ng industrial emissions sa kabila ng pangako ng mga bansa na mabawasan ito. Isang panibagong talakayan hinggil sa climate change ang itinakda ng UN sa Chile ngayong Disyembre.
Ang nararanasang heat wave sa Europa ay walang dudang indikasyon ng lumalalang kondisyon ng klima. Mayroon din iba pang senyales—ang pananalasa ng mas malalakas na hurricane na nagdudulot ng mas malaking pinsala kumpara dati sa maraming bahagi ng US; mas malalakas na bagyo ang namumuo sa Pasipiko at kumikilos patungo sa Pilipinas at natitirang bahagi ng Silangang Asya, mga naiibang pagbaha at tagtuyot sa maraming bansa. At ngayon nga ang heat wave sa Europa na nagbabanta ng pagtunaw ng yelo sa Arctic.
Sinasabing nangangalap ngayon si UN Secretary General Antonio Guterres ng mas malaking pangakong aksiyon mula sa iba’t ibang pamahalaan bago ang nakatakdang summit sa New York ngayong Setyembre. Kung mahihikayat niya ang US, ang pinakamalaking pinagmumulan ng mga industrial gasses, upang makiisa sa mundo kasama ng plano upang mabawasan ang emission, magiging isa itong makabuluhang hakbang ng pagsulong.