KAHIT tumangging maglabas ng mga pangalang iniimbestigahan, inihayag ng Malacañang na ilang lokal na opisyal ng gobyerno ang sangkot sa kurapsyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ipinahayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng gobyerno hinggil sa umano’y malawakang kurapsyon sa gaming schemes ng ahensya gaya ng Peryahan ng Bayan, Small-Town Lottery (STL), at Keno.

Nang kinapanayam nitong Martes, siniguro ni Panelo na pangangalanan ni Pangulong Duterte ang mga personalidad sa likod ng tinawag ng Malacañang na "grand conspiracy", na nandaya sa gobyerno tungkol sa shares sa PCSO.

"The President in due time will identify the culprits. Not only officials but major players and participants of the gaming operations including, perhaps, court persons," aniya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dagdag pa ni Panelo, isisiwalat din ng Pangulo ang pangalan ng mga lokal na opisyal na sangkot sa kurapsyon pagdating ng tamang panahon.

"There is an ongoing investigation, so let’s just wait for the final result," ani Panelo.

Ipinag-utos ni Duterte ang suspensyon ng operasyon ng mga gaming schemes na pinatatakbo ng PCSO nitong nakaraang linggo dahil sa umano’y malawakang kurapsyon. Gayunman, inanunsiyo rin nitong Martes ng gabi na maaari na uling paandarin ang Lotto sa buong bansa dahil walang natagpuang anomalya sa operasyon nito.

Ngunit maliban sa Lotto, ang STL, Keno at Peryahan ng Bayan (PNB) ay suspendido pa rin dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon sa dito.

PCSO HANDA SA IMBESTIGASYON

Bukas umano ang tanggapan ni PCSO General Manager Royina Garma sa anumang uri ng imbestigasyong isasagawa ng mga awtoridad, kaugnay ng alegasyon ng kurapsiyon sa kanilang tanggapan.

Kasabay nito, tiniyak ni Garma na habang isinasagawa ang imbestigasyon ay ipagpapatuloy nila ang kanilang trabaho upang mapaghusay pa at maging transparent ang proseso ng kanilang mga gaming activities.

Matatandaang nitong Sabado ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng gaming activities ng ahensya dahil sa umano’y katiwalian.

Inatasan naman ng Department of Justice (DoJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang naturang isyu.

"Corruption, napakalawak po ng definition. I will leave that to the investigators. Ang parameters ko, I was able to achieve my goals. Our office is open sa lahat ng klase ng investigation,” ani Garma, sa naganap na pulong balitaan kahapon.

Kinumpirma rin ni Garma na siya mismo ang lumapit sa Pangulo upang idulog ang kanilang problema at panig.

PAGTATANGGAL NG ‘CLOSED SIGNS’, PINANGUNAHAN NG PNP

Ipinag-utos ni General Oscar Albayalde, chief ng Philippine National Police (PNP), sa kanyang mga tauhan na tumulong sa pag-aalis ng 'closed' signs na ipinaskil din nila sa lahat ng lotto outlet sa bansa.

Ito ay kasunod ng pag-aalis ni Pangulong Duterte sa suspensyon ng operasyon ng Lotto.

"With the newest order of the President allowing the resumption of lotto operations,   all lotto operators may now remove the signages that the PNP placed on their outlets," lahad ni Albayalde. "All PNP units are directed to visit all lotto outlets and assist operators in removing the signages if needed.”

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, MARY ANN SANTIAGO at AARON RECUENCO