DAHIL sa pagbibiro na may lamang bomba ang kanyang bag, isang kongresista ang hinuli ng PNP-Aviation Security Group sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Biyernes dakong 4:40 ng hapon. Siya ay si APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc na patungo sa Cagayan de Oro City.

Isang passenger service agent sa PAL service counter, si Pearl May Lansang, ang nagsabi kay Dagooc na ang kanyang carry-on bag ay labis sa timbang nang 4 kilo. Itinanong ni Lansang sa kongresista kung ano ang laman ng kanyang bag. Tugon ni Dagooc mga damit daw. Dahil mabigat sa timbang, muling nagtanong si Lansang kung ano pa ang laman. “Bomba”, tugon ni Dagooc.

Dahil dito, tinawag ni Lansang ang kanyang supervisor na agad namang ipinaalam ang pangyayari sa PNP-Aviation Group. Inimbestigahan si Dagooc at idinetine sa NAIA. Pinakawalan lang siya dakong 10:40 ng gabi.

Maituturing na isang dagok sa institusyon ng Mababang Kapulungan ang ginawa ni Dagooc sa NAIA. Isa siyang kongresista na taga-gawa ng mga batas. ‘Di ba niya alam na ipinagbabawal ang pagbibiro tungkol sa bomba sa mga paliparan, pantalan at Metro Railways?

Sa panig ni Minority Leader Bienvenido Abante, sinabi niyang maaaring maharap sa imbestigasyon si Dagooc ng House committee on ethics. Kapag siya’y napatunayang nagkasala, maaaring siya’y ma-reprimand, masuspinde at kung minamalas, mapatalsik sa puwesto.

oOo

Noong kampanyahan sa 2016 presidential election, bumilib at pumalakpak ang mga tao sa pangako ng noon ay kandidatong Rodrigo Roa Duterte na tatapusin niya ang “Endo” o labor-only contracting system na ipinatutupad ng mga kompanya at establisimyento, tulad ng malls, restaurants, fast foods at iba pang serbisyo.

Ang layunin ng Endo ay protektahan ang karapatan ng mga manggagawa para hindi matanggal sa trabaho matapos ang ilang buwang kontrata. Iniiwasan kasi ng mga employer na maging regular employees ang mga manggagawa pagsapit ng anim na buwan kung kaya tinatapos nila ang serbisyo ng mga ito.

Sinertipikahan pa ni PRRD ang Security of Tenure (SOT) bill bilang urgent. Ipinasa ito ng Senado at Kamara at ipinadala ang kopya sa Malacañang para lagdaan ng Pangulo. Matagal na natengga ang enrolled copy ng SOT sa Palasyo. Muntik na itong maging batas sa pamamagitan ng tinatawag na “lapse of time” o paglipas ng takdang panahon na kapag hindi inaksiyunan ng Pangulo, ito ay magiging isang batas.

Sa pag-veto ng Pangulo sa SOT, pinuri at nagdiwang ang business groups samantalang nanlumo ang labor sector at militant organizations. Sinabi nilang ipinamalas ng ating Pangulo ang kanyang bias laban sa mga manggagawa. Sa kanyang veto message, ipinaliwanag ni PDu30 na kailangang magkaroon ng “healthy balance between the interests of capitalists and workers.”

Tidbits: Nananatiling mababa ang tiwala ng mga Pinoy sa China at Russia. Mas nagtitiwala sila sa US sa kabila ng pakikipagkaibigan ni PRRD sa China. Nagpalabas ng summons ang Dept. of Justice noong Biyernes kina Vice Pres. Leni Robredo at 35 iba pa kaugnay ng reklamong sedition na inihain ng Philippine National Police (PNP). Sinabi ng kampo ni VP Leni na handa nilang harapin ang imbestigasyon.

-Bert de Guzman