Sinalakay ngayong araw ng mga awtoridad ang isang amusement center sa loob ng isang mall, na matatagpuan sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila, matapos na madiskubreng mayroong ilegal na sugalan doon.

Mismong si Manila Mayor Isko Moreno ang nanguna sa pagsalakay sa Amusement Center, nanasa loon ng isang mall, kasama ang mga tauhan ng Special Mayors Reaction Team (SMaRT) ng Manila Police District (MPD) pasado 1:00 ng hapon.
Kinumpiska ng mga awtoridad ang mga fruit game, video karera at iba pang makina na ginagamit na sugalan, upang magamit na ebidensiya laban sa may-ari ng naturang amusement center, na plano ring ipasara ng alkalde.
Inimbitahan rin sa pulisya ang mga tauhan ng naturang establisimyento upang makuhanan ng pahayag.
Dismayado ang alkalde dahil sa loob pa mismo ng mall mayroong ganitong uri ng sugalan, na ang kalimitang nagiging parokyano ay mga estudyante.
“Walang ipinagkaiba ito sa mga video karera at fruit games na dinurog natin kamakailan sa Manila City Hall. Mas sosyal lang ito dahil nasa mall, pero paglabag din ito sa PD 1602 o illegal gambling,” anang alkalde. "Kung yun ngang mga nasa eskinita, maliliit na pasugalan, kinukumpiska natin, ito pa kayang nasa loob ng mall."
Aniya, nagsagawa sila ng surveillance laban sa naturang amusement center matapos na makatanggap ng tip hinggil sa ilegal na aktibidad doon, at nang magpositibong casino-type na ang operasyon nito, ay kaagad na isinagawa ang pagsalakay.
Paliwanag ng alkalde, kapag ‘pitsa-pitsa’ na ang laban, o kung ang premyo ay pera, sugal na ito at dapat ay may kaukulang permiso mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Biniberipika naman na, aniya, nila sa PAGCOR kung may permit ba ang naturang amusement center.
Inatasan na rin naman ng alkalde si MPD Director P/BGen Vicente Danao Jr. na imbestigahan kung ano ang layabilidad ng naturang mall sa insidente para sa kaukulang aksiyon.
“Nakalulungkot dahil talagang walang gobyerno sa Maynila dati. Ang laki-laki ng mall na ito, tapos pinabayaan ang ganiyang aktibidad dito,” aniya.
“Lantaran na ang ilegal dito, nasanay sila na walang gobyerno,” anang alkalde. “This is a mall.. how can you allow this to exist. Malaking sampal to sa gobyerno.”
-Mary Ann Santiago