“KAPAG isinampa ang kasong sedition o inciting to sedition laban kay Madam Leni Robredo sa korte, pwedeng gamitin ito na batayan para ma-impeach siya kahit hindi pa siya nahahatulan,” wika ni Atty. Larry Gadon nitong nakaraang Huwebes. Si Atty. Gadon ay abogado ni Peter Joemel Advincula na siyang lumalabas na pangunahing saksi ng PNP-CIDG na naghain ng mga kasong sedition, cyberlibel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice sa Department of Justice. Kasama ni VP Robredong idinemanda ay sina dating Sen. Antonio Trillanes, mga opisyal ng Intergrated Bar of the Philippines, mga senador sa oposisyon, mga lider ng Simbahan at mga kumandidatong senador ng oposisyon.
Si Gadon ang nagsampa ng impeachment complaint laban kay dating Supreme Court Chief Justice Lourdes Sereno. Dahil hirap siyang patunayan ang bawat punto ng kanyang habla, sa isyu ng hindi pagsusumite ng statement of Assests and Liabilities Networth nang siya ay propesor ng Unibersidad ng Pilipinas ay siyang ginawang dahilan ng mga nakararaming kapwa niya mahistrado para patalsikin siya. Ang kanyang kliyenteng si Advincula ay ang hooded “Bikoy” na nagsangkot sa pamilya at kaalyado ni Pangulong Duterte sa drug trade sa serye ng mga video na pinamagatang “Ang Tunay na Narcolist.” Nang hanapin siya ng PNP-CIDG pagkatapos ng kanyang maigsing pagharap sa media sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines, sumuko siya at gumawa ng panibagong sinumpaang salaysay hindi hinggil sa nilalaman ng kanyang video kundi sa mga umano ay tumulong sa kanya para gawin at ilabas ito. Ang kanyang panibagong salaysay na ito ang pinagbatayan ng PNP-CIDG para ihabla sina Robredo, et al. Ayon sa PNP-CIDG, ang video ay bahagi ng “Project Sodoma” na naglalayon umanong sirain ang Pangulo para magkaroon ng malawakang protesta na mag-uudyok para magbitiw ito at palitan ni Robredo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi pakikialaman ng Pangulo ang nais gawin ni Gadon. Aniya, kahit kailan hindi nakikialam o nanghihimasok ang Malacañang sa teritoryo ng ibang departamento ng gobyerno. Lagi nating naririnig ito kay Panelo. Ang huli sa labanan ng Speakership sa Kamara. Pero, siya ang nagdikta sa supermajority dito kung sino ang kanilang magiging opisyal at nasunod siya. Ngayon, tingnan natin kung walang kinalaman ang pangulo sa ikinilos ni Gadon lalo na sa inihayag niyang pag-i-impeach sa Bise-Presidente. E, ito ang nagsampa ng impeachment complaint kay Sereno na kinamuhian ng Pangulo at binantaang babalikan niya dahil nakialam sa pagpapairal niya ng war on drugs sa ilan sa mga hukom. Si Solicitor General Jose Calida ang gumawa o tumulong na gumawa sa affidavit ni Advincula na nagpapahamak kina Robredo, et al. at batayan ng PNP-CIDG sa paghahabla sa mga ito gayong may abogado ito na si Gadon. Ang totoo, hindi naniniwala si Pangulong Duterte na natakot niya sa kanyang banta na ipahuhuli ang sinumang magsasampa ng impeachment laban sa kanya. Mayroong gagawa nito at iyon ang kanyang inaagapan at pangungunahan. Kaya, umaatake na naman si Gadon.
-Ric Valmonte