SA pagkawala ng mga “reliable leaders” na sina Robert Bolick at Jayvee Mocon na kapwa naglalaro na ngayon sa PBA, nananatili pa ring malakas ang koponan ng defending champion San Beda University sa NCAA.

Katunayan, nangunguna ngayon ang Red Lions at wala pang talo matapos ang apat na laro sa NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament.

At isa sa mga dahilan nito at may malaking kontribusyon ni Calvin Oftana.

Nangibabaw si Oftana sa nakaraang 73-59 panalo ng San Beda sa San Sebastian nitong Biyernes, matapos magtala ng 10 puntos, 10 rebounds, at 7 assists.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Walo sa nasabing 10 puntos ay isinalansan niya sa final period kabilang na ang dalawang krusyal na triples upang tulungang ipanalo at panatilihing walang bahid ang rekord ng Red Lions.

Dahil dito, siya ang nahirang na Chooks-to-Go Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week nitong nakaraang linggo.

“Calvin made his shots in the fourth. He had been missing that in the first quarters, but I told them if they’re open, they should take it,” sambit ni Red Lions coach Boyet Fernandez. “I’m happy with the way he played today and hopefully, maging consistent pa lalo si Calvin.”

Para naman sa 6-foot-5 forward, naka-focus ang atensiyon niya na maging isang reliable at consistent big man para sa San Beda.

“Sobrang mahirap, pero dinodoble ko yung effort ko para mag-improve,” pahayag ni Oftana na determinadong punan ang naiwang puwesto ni Mocon. “Para may ipakita naman ako this season.”

Tinalo ni Oftana sina Lyceum guard Renzo Navarro, Letran big man Ato Ular, CSB standoit Jimboy Pasturan, at Arellano playmaker Kent Salado para sa lingguhang award.

-Marivic Awitan