MAGANDA at kanais-nais ang ipinakikitang halimbawa ni Manila Mayor Isko Moreno na dapat pamarisan ng mga alkalde sa Metro Manila. Ipinalilinis niya ang maruruming kalye, daan at bangketa na pinamumugaran ng mga vendor, nakaparadang sasakyan at kung anu-ano pa, tulad ng vulcanizing shop, sari-sari store at basketball court.

Ngayon, maluwag na sa Divisoria, Quiapo, Sta. Cruz, Recto at mga kalye na dati-rati ay pinaghaharian ng mga vendor at negosyante kung kaya hirap-hirap sa pagdaan ang mga pedestrian at mabigat ang daloy ng trapiko.

Kung hindi magbabago si Yorme Kois (Meyor Isko) at hindi magiging ningas-kugon ang kanyang kampanya at pagsisikap na ibalik ang ganda, linis at kaayusan ng Maynila, ang lungsod na kapital ng Pilipinas ay tiyak na hahangaan ng mundo, magpupunta rito ang mga lokal at dayuhang turista upang masdan ang paglubog ng araw (Manila sunset) sa Manila Bay.

Walang duda, mahihikayat ang mga investor, lokal man o dayuhan, na mamuhunan sa Maynila sapagkat alam nilang ang alkalde ngayon dito ay isang no-nonsense leader na hindi patutukso sa kurapsiyon at pera, at hindi susuko sa umano’y alok na P5 milyon araw-araw mula sa mga vendors’ organizer upang payagang mamayagpag sa kanilang negosyo.

May plano rin si Mayor Isko na bigyan ng P500 kada buwan ang mga kuwalipikadong senior citizen at Grade 12 students sa Maynila. Bukod dito, hinihimok niya ang mga fast food establishment sa lungsod na bigyan ng pagkakataon ang mga nakatatanda o senior citizens na makapagtrabaho pa.

Sabi nga ng isang mapagmasid at mapanuri, ibang talaga kung ang ihahalal ng mga tao ay iyong mga bata pang kandidato na may integridad, malakas pa ang katawan at kayang mag-ikot sa siyudad kesa mga pulitiko/kandidato na may edad na at uugud-ugod.

Ganito rin sana ang mangyari sa Pasig City, Quezon City, San Juan City at iba pang lungsod sa Metro Manila. Sa Pasig City, ang mayor ay si Vico Sotto na tumalo sa batikang pulitiko na si ex-Mayor Bobby Eusebio. Sa Quezon City, ang alkalde ay si Joy Belmonte, dating vice mayor at anak ni ex-Speaker at ex-QC Mayor Feliciano Belmonte. Sa San Juan City, binuwag ni Francis Zamora, anak ni Rep. Ronaldo Zamora, ang Estrada-Ejercito Estrada dynasty. Sana ay mag-ala-Isko Moreno kayo.

oOo

Ibinunyag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang pagpasok at paglalayag ng apat na Chinese warships sa territorial waters ng Pilipinas sa pagitan ng Sibutu Island at Bongao, Tawi-Tawi nang tatlong beses noong Pebrero nang walang koordinasyon sa mga awtoridad ng ating bansa.

Ayon kay Lorenzana, binanggit niya ito kay Chinese Ambassador Zhao Jinhua nang magkita sila sa SONA (State of the Nation Address) ni Pres. Rodrigo Roa Duterte noong Lunes sa Batasan Complex. Badya ni Lorenzana: “Dapat ay ipinaalam nila ito sa atin kung sila’y daraan sa ating territorial waters, pero hindi nila ito ginawa.” Tama ang ginawang ito ni Lorenzana kumpara sa iba nating lider na tameme at baka raw “magalit” ang China at tayo’y giyerahin.

Dagdag pa ng Kalihim: “Prangkahan kong tinanong ang Chinese ambassador kung talagang nagdaan ang Liaoning sa Sibutu. Hindi raw pero apat na maliliit na warships lang ng People’s Liberation Army ang nagdaan.” Ang Liaoning ay isang dambuhalang nuclear warship.

Kung paniniwalaan ang ating Pangulo, malamig siya sa planong palawigin ang martial law sa Mindanao. Ganito ang titulo ng balita sa isang English broadsheet noong Biyernes: “Rody cool to extending martial law in Mindanao.” Pinag-aaralan pa raw ni PRRD ang security situation batay sa rekomendasyon ng security officials at ang sentimyento ng taga-Mindanao.

Para kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, irerekomenda niya ang pang-apat na pagpapalawig (fourth extension) ng ML sa Mindanao dahil umano sa mga banta ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at ng New People’s Army (NPA). Para naman kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, anak ng Pangulo, pabor siya na alisin na ang martial law, maliban sa pagpapatuloy nito sa kanyang lungsod.

-Bert de Guzman