NAKAMIT na ng Rice Tariffication Law ang hangarin nito na mapanatiling mababa ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pag-angkat ng bulto ng murang bigas mula sa Vietnam at Thailand. Ngunit ipinagkait naman nito sa mga Pilipinong magsasaka ang dati na nilang merkado, kaya naman hindi malayong matunghayan natin ang pagwawakas ng produksiyon ng bigas sa ating bansa.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority, na bumagsak na ang presyo ng palay sa mga sakahan sa P17.85 kada kilo nitong Hulyo, mas mababa ng 17 porsiyento mula sa nakaraang taon. Habang iniulat ng mga magsasaka sa Nueva Ecija at Isabela ang mas mababang presyo—na nasa P12 kada kilo. Masaya ang mga bumibili ng bigas ngunit kailangang magpalit ng ibang pananim ng mga nagtatanim ng palay upang makaraos bilang magsasaka.
Nakaisip si Pangulong Duterte ng pansamantalang solusyon sa kanyang tinawag na “happy compromise.” Sa panahon ng anihan ng– Disyembre hanggang Enero para sa 2.7 milyon ektaryang sakahan na umaasa sa ulan at Marso hanggang Abril para sa 1.2 milyong ektaryang nabibigyan ng irigasyon—bibili ang pamahalaan ng kanilang reserbang bigas sa mga magsasaka lamang ng Pilipinas.
“Buy all the stocks even if it’s expensive, before importing,” utos ng Pangulo. Sa mga natitirang buwan, maaaring bumili ang pamahalaan ng mas murang angkat na bigas para sa pag-iimbak.
Ngunit ito ay isang panandalian lamang na solusyon, upang mapanatili ang agrikultura ng bigas sa Pilipinas mula sa pagkalaho. Isang kahihiyan kung ang bansang ito, na nakadepende sa pagkain ng bigas ay aasa lamang sa mga magsasaka ng ibang bansa na kayang umani sa mas mababang gastos.
Ang tunay na solusyon ay ang pagpapababa ng gastos sa produksiyon ng ating mga magsasaka. Kung kaya ito ng mga magsasaka ng Vietnam at Thailand, kakanin din natin ito. Ngunit mangangailangan ito ng organisado at sistematikong programa ng pamahalaan upang umabot sa ating mga magsasaka at mapagkalooban sila ng mataas na kalidad na uri ng bigas at ang tuloy-tuloy na tulong sa manggagawa, pagkakaloob ng sapat na irigasyon, tulong upang magkaroon sila ng mga traktora at iba pang modernong agrikultural na makinarya, pagtatayo ng mga pasilidad upang maprotektahan ang kanilang mga ani mula sa banta ng peste, at tulungan sila na magkapag-organisa para sa pagbebenta ng kanilang produkto. Sa ibang salita, ayusin ang industriya ng bigas sa Pilipinas mula sa simula hanggang dulo, mula sa paghahanda ng sakahan hanggang ng pagbebenta ng aning produkto.
Mayroon nang pinagtibay ang Kongreso na P10-billion Rice Competitiveness Enhancement Fund noon pang Nobyembre 2018. Sa kanyang huling State of the Nation Address, nanawagan ang Pangulo ng buong implementasyon ng batas na ito. Kakailanganin nating magkaloob ng mas malaking pondo upang maipatupad ang komprehensibong programa para sa produksiyon ng bigas sa bansa, programang hindi lamang magpapalaya sa atin mula sa taunang pag-aangkat, ngunit magbibigay rin ng daan upang maging bansa tayo na nagluluwas ng bigas.
Ito ang hangaring inasam ng maraming nakalipas na administrasyon. Ito ang tunguhin ng Masagana 99 ni dating Pangulong Marcos. Itinatag ang International Rice Research Center sa Los Baños nong 1960 at nagtungo sa bansa ang mga opisyal sa pagsasaka mula Vietnam, Thailand, at iba pang mga bansa upang matuto ng modernong sistema sa produksiyon ng bigas na naipatupad nila sa kani-kanilang mga bansa.
Napag-iwanan tayo, sa pagtutok ng mga dumaang administrasyon ng Pilipinas sa iba’t iba pang mga hangarin. Panahon na upang bumalik sa lumang hangarin— magkaroon ang bansa ng kakayahan na masuplayan ang sarili nitong pangangailangan sa bigas, ang ating pambansang pagkain, na hindi maihihiwalay sa ating kultura bilang mga Pilipino