HABANG tinitipa namin ang balitang ito (Sabado ng gabi) ay katatapos lang ianunsyo ang top 3 sa Idol Philippines na sina Zephanie Dimaranan, Lucas Garcia at Lance Busa na grand finals na kagabi (Linggo) sa Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila.

Idol

Nitong Sabado ay nanguna si Zephanie ng Biñan City, Laguna sa ratings- 99.88%; sinundan ni Lucas – 83.81% at Lance – 69.45%. Nakatanggap naman si Dan Ombao ng 62.48% at Miguel Ordon ng 53.39% kaya sila ang na-tsugi sa final round.

Fifty percent sa kabuuang boto ay mula sa mga huradong sina Vice Ganda, James Reid, Moira de la Torre at Regine Velasquez at ang 50% ay mula naman sa text votes.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Kung ibabase sa ratings na nakamit, obviously ay panalo na si Zephanie dahil ang linis ng pagkakakanta niya ng Lipad na Pangarap at puwedeng siya na ang tanghaling Idol Philippines dahil almost perfect score na ang nakuha niya.

Sabi nga ni Vice, “Kinikilabutan ako habang kumakanta ka, ngayong gabing ito lahat tayo nag-apura, effort, nag-ayos, nagpaganda, bihis ng maganda. Pinaka-maganda ngayong gabi kasi espesyal ang gabing ito, pero nu’ng nag-perform ka, parang pinamukha mo sa aming lahat na ‘hindi ito party, grand finals ‘to.’ And for me, I believe that was a winning performance, congratulations!”

At nang kumanta na si Lucas ay nagulat ang mga hurado dahil biglang umalagwa ang pambato ng Lipa City, Batangas sa awiting Bulag, Pipi, at Bingi at namangha sa kanya si Vice.

“Maraming salamat sa napakalaking karangalang ibinibigay mo sa LGBT at ‘yung performance mo, parang sinabi mo kay Zephanie na, ‘Zephanie ‘di ka pa sure, nandito pa ako,” komento ng It’s Showtime at Gandang Gabi Vice host.

Pero kinabog naman ni Lance ang dalawang katunggali sa awitin niyang Lean on Me na nakapagpasayaw pa sa apat na hurado. Sabi nga ni Moira, sobrang tigas ng katawan niya pero napasayaw siya sa magandang performance ng binatang taga-Butuan City.

Mas matindi ang komento ni Vice, “nagpakilala ka ulit tonight! Hindi ako happy na ikaw ‘yung laging bottom tuwing natatapos ‘yung week natin, ilang weeks (din). Pero kanina, ‘yung sinabi ko na sa performance ni Lucas parang sinabi niya kay Zephanie na ‘Zephanie, ‘di ka pa sure, nandito pa ako.’

“No’ng mag-perform ka naman parang ikaw naman ang may message kay Lucas, ‘Lucas hindi ikaw ang magsasara ng competition tonight, ako! Tapos na ang laban’.”

Advance ang deadline namin kaya hindi pa namin alam kung sino ang nag-uwi ng titulo ng kauna-unahang Idol Philippines na nagkamit ng house and lot mula sa Camella homes, 2 million cash at kontrata sa Star Music.

Samantala, parehong Star Music talents na sina Dan at Miguel at marami na agad na natanggap na collaboration offer ng una, habang pang-international naman ang tunog ng huli.

“Actually ‘yung top 5 automatic nang Star Music talents,” sabi ng taga-Idol Philippines sa amin.

Kung sinuman ang nanalo kagabi kina Zephanie, Lucas at Lance ay binabati namin sila mula sa Balita.

-REGGEE BONOAN