TUMATAKBO na ngayon ang isang cutting-edge Plant Genetic Resources (PGR) Center sa Calabarzon, na sumisiguro sa mataas na kalidad ng mga binhi at mga materyales sa pagtatanim, na itinatabi sa isang maayos na pasilidad para sa pangmatagalang pag-iimbak, sa Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center (STIARC) sa bayan ng Lipa City, Batangas.

Nitong nakaraang Hulyo 19, pinangunahan ni Department of Agriculture (DA)-Calabarzon Regional Executive Director Arnel V. de Mesa at ni Bureau of Agricultural Research (BAR) Assistant Director Digna L. Sandoval, ang pagpapasinaya sa pasilidad.

Lalamanin ng PGR Center ang iba’t ibang matataas na uri ng binhi at iba pang kailangan sa pagsasaka.

“This new facility will also protect the high-quality seeds and planting materials from external factors and deterioration,” ani de Mesa.

Halos P3 milyon ang ginugol sa pasilidad na pinondohan ng DA-BAR, mahalaga ang pagkakatatag ng PGR Center sa rehiyon upang mapatagal ang kalidad ng germplasm at ang kalidad ng mga agrikultural na pananim, upang masiguro na maipepreserba ang mga mahahalagang binhi.

“This state-of-the-art research facility in Southern Luzon is the second to be established in the country and promotes exploration, collection, conservation, and utilization of the genetic diversity of agricultural crops in the region,” pahayag ni de Mesa.

Itinatabi sa bagong agricultural genetic resources hub ang mga de kalidad na binhi at mga kagamitan sa pagtatanim tulad ng mga palay, gulay, munggo, at mais, na maaaring magamit ng ahensiya ng agrikultura sa mga research and experiment stations (RESes).

Ang mga materyales at produktong agrikultura ng center ay maaaring magbigay ng benepisyo sa mga magsasaka, nagtatanim at iba pang mananaliksik.

Ayon sa DA regional official, makikita rin sa loob ng pasilidad ang mga modular cold storage room para sa pagpapatagal ng mga binhi, oven at dehumidifier para sa pagpapanatili ng tubig, at upright freezer para sa preserbasyon ng mga buto at binhi hanggang 20 taon.

Positibo rin ang mga opisyal na ang bagong pasilidad ay makapagbibigay ng benepisyo hindi lamang para sa kasalukuyang lagay ng agrikultura sa bansa ngunit para rin sa mga susunod na pananaliksik at pagpapaunlad na aktibidad.

PNA