“ANG Diyos na ang namahala sa mga sumunod nang pangyayari.” Parang ganito ang sinabi ni Cherry Pie Picache pagkatapos niyang personal na makaharap si Michael, ang pumatay sa kanyang ina at ipahiwatig dito na pinatawad na niya ito.
Nangyari ito dahil si Cherry mismo ang dumalaw sa Muntinlupa para makausap ito na nagkaroon ng lakas ng loob na humingi ng tawad sa kanya. Sa sandaling iyon, aniya, lumabas na ang lahat ng mga kinimkim niyang sama ng loob. “Pero simula pa lang ito. Napagtanto ko na lalong mahirap para sa kanya kaysa akin. Imagine ‘pag bumalik ka sa katinuan mo and all that is good in you, gusto mong magkaroon ng amnesia for all the bad things you’ve done. That’s I saw in Michael,” sabi pa niya. Kaya, dagdag niya: “Ang paniniwala ko sa restorative justice ay patuloy at higit na matibay ngayon. Higit sa prison welfare, pagtutuunan ko ng pansin ang restorative justice,” sabi ng kumapanayam sa aktres: “Higit na epektibo ang restorative justice kung ito ay nakatuon sa paglunas sa pinsala bunga ng krimen. Hindi ka makagagawa ng pang mahabaang solusyon kapag inalis muna ang gumawa nito.”
Nagkukumahog ang Senado at Kamara na magpasa ng batas na nagpapataw ng parusang kamatayan para sa mga trafficker at plunderer sa pagtalima sa isa sa mga agenda ng Pangulo. Maging ang mga ito ay gumawa o nakagawa ng pinakagrabeng krimen, ang magpapasa ng death penalty ay hindi nakikita ang nakita ni Picache sa tao.
Inaalis ng parusang kamatayan ang mabuting bahagi ng tao na ito ang nakita ni Picache na nais ipalabas at masusing mawari ng nagkasala. Sa kanya, higit na mabigat na parusa ito na kanyang papasanin habang siya ay nabubuhay kaysa ang bawian mo siya ng buhay. Dahil nga may mabuting bahagi ang buhay ng tao, makapagbabago siya. Sumasang-ayon ako rito, kaya, sa sisimula pa ay laban na ako sa death penalty.
Hindi na natin kailangang mapairal ang death penalty para makita pa natin ang magiging bunga nito. Iyong araw-araw na nangyayari mula nang manungkulan si Pangulong Digong at ipatupad ang kanyang war on drugs ay sapat na para tanggihan ang parusang kamatayan. Lahat halos ng mga napatay ay mga dukha na nakatira sa estero at dampa, sangkot man sa droga o hindi. Ganito ang magaganap kapag pinairal ang death penalty.
Mga mahirap lang ang masasala. Kapag inosente ang nasama, paano pa maitutuwid ang hindi makatarungang nagawa sa kanya kapag patay na siya.
Sa tingin ko, ang death penalty para sa plunderer ay nais isama upang maging kaakit-akit ang parusang kamatayan para sangayunan ito. Panloloko lang ito. Sa palagay kaya ninyo may plunderer na mabibitay? Napakaraming salaping dinambong nito sa kaban ng bayan para gastusan ang kanyang kaligtasan. Hindi siya mangingiming ikalat lahat ito dahil pera naman ito ng mamamayan.
Higit sa lahat, kaya laban ako sa parusang bitay ay dahil walang puwang sa demokratikong lipunan ang gobyernong pumapatay ng kanyang mamamayan. Kasi sa ganitong sitwasyon, walang pinag-iba ang gobyerno sa mga kriminal.
-Clemen Bautista