ANG nagkakatalong pag-aangkin ng Pilipinas at China sa South China Sea, partikular ang 200-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na pinalitan ng pangalan bilang West Philippine Sea, ang patuloy na nangingibabaw sa mga talakayan.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, muling binanggit ni Pangulong Duterte na may kasunduan siya kay China President Xi Jinping na nagpapahintulot sa mga Pilipino at mga Chinese na mangisda sa pinag-aagawang katubigan. Binanggit niya ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na nagpapahintulot sa mga mangingisda ng iba’t ibang bansa na makapangisda sa Panatag na nasa loob ng ating EEZ, bilang ito ay isang tradisyunal na pangisdaan.
“The Vietnamese, the Taiwanese, Chinese, Japanese, even Koreans, and Filipinos, Malaysians, and Indonesians—they can also fish because they have always been there,” pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos kuwestiyunin ng mga kritiko ang berbal na kasunduan ng Pangulo sa China, at paggigiit na tanging mga Pilipino lamang ang dapat na magkaroon ng karapatan na mangisda sa EEZ ng Pilipinas.
Maraming kritiko ang nagmumungkahi na dapat gayahin ng Pilipinas ang matapang na posisyon ng Vietnam sa pagkikipagkasundo sa China. Noong 1974, nakipagdigma ang South Vietnamese navy sa puwersa ng Chinese naval sa bahagi ng Paracels para sa pagkontrol ng isang lugar, na nagresulta sa paglubog ng isang Vietnamese warship, tatlo ang napinsala, 53 sundalong Vietnamese ang napatay, at 48 ang binihag. Noong 1988, nagkaroon ng sigalot sa pagitan ng Socialist Republic of Vietnam sa puwersa ng China sa Spratlys at nagdusa ang 64 na nasawi, 11 nasugatan, 9 na binihag, dalawang pinalubog na barko, at isang nasirang eroplano.
Sa mga nakalipas na taon, naging mas tahimik ang Vietnam. Noong 2017, nakipagkasundo ang Petro Vietnam at pamahalaan ng Vietnam sa isang Spanish company, ang Repsol, para sa isang oil exploration at test drilling sa pinag-aagawang bahagi. Nagbanta ang China sa Vietnam na magsasagawa ito ng hakbang upang mahinto ang drilling sa lugar. Kalaunan, napaulat na ibinasura na ng Vietnam ang nasabing proyekto.
Lumitaw ang sigalot mula sa katotohanang may pinag-aagawan ang dalawang bansa sa South China Sea. Ang Vietnam, tulad ng lahat ng mga bansang may baybayin sa rehiyon, ay may 12-mile territorial sea dagdag pa ang 200-mile Exclusive Economic Zone, bilang itinadhana ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Ngunit hindi kinikilala ng China ang UNCLOS; sa halip, iginigiit nito ang karapatan sa higit 80 porsiyentong bahagi ng South China Sea, base sa isang nine-dash-line na mapa na inilabas nito noong 1948.
Inihayag ng foreign ministry ng China, na ang posisyon ng kanilang bansa sa South China Sea ay “clear and consistent…China resolutely safeguards its sovereignty and maritime rights.” Anumang sigalot sa anumang bansa ay maaayos sa pamamagitan ng negosasyon at konsultasyon, anila.
Pinili ni Pangulong Duterte na makipagnegosasyon sa halip na lumaban tulad nang dating ginawa ng Vietnam. Nakiisa na ang Vietnam sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pagsang-ayon sa pagbuo ng isang Code of Conduct upang maging panuntunan ng mga bansa na nasa paligid ng South China Sea, na may hangaring maiwasan ang marahas na komprontasyon at pagsasaayos ng gulo sa halip na sa pamamagitan ng konsultasyon at diplomasiya.
Nakatakda nang simulan ng Pilipinas at China ngayong taon ang isang oil exploration at development project sa bahagi ng Calamian sa kanluran ng Palawan, na may 60-40 na bahagian pabor sa Pilipinas. Ito ay bahagi ng “win-win” na estratehiya na pinili ng Pilipinas sa pakikipagkasundo nito sa China sa kanilang hakbang upang mapaunlad ang natural na yaman ng Asya na matagal nang pinagsasamantalahan ng bansa sa labas nito.