MAPAPASABAK sa ikalawang regional title bout si Philippine Boxing Federation minimumweight champion Clyde Azarcon na kakasa kay Japanese rookie boxer Ginjiro Shigeoka para sa WBO Asia Pacific mini-flyweight title sa Sabado (Hulyo 27) sa Korekuen Hall sa Tokyo, Japan.
Ikalawang pagkakataon ito ni Azarcon sa regional crown makaraang matalo sa manipis na 12-round unanimous decision kay Rene Mark Cuarto para sa bakanteng WBO Oriental minimumweight title noong Agosto 21, 2018 sa Davao City.
Kung magwawagi laban sa 19-anyos na si Shigeoka, inaasahang papasok sa WBO rankings si Azarcon na ang kasalukuyang kampeon ay Pilipino ring si Vic Saludar na magdedepensa naman ng kanyang titulo kay mandatory contender Wilfredo Mendez sa Agosto 24 sa San Juan, Puerto Rico.
May kartada lamang si Shigeoka na tatlong panalo, 2 sa pamamagitan ng knockouts at huli siyang nagwagi kay Filipino boxer Joel Lino sa 8-round unanimous decision noong nakaraang Abril 14 sa City Sogo Gym, Koshi, Japan.
May rekord naman si Azarcon na 15-2-1 na may 5 panalo sa knockouts at huling dinaig sa 8-round unanimous decision si Ernesto Alera noong nakaraang Hunyo 5 sa Cebu City.
-Gilbert Espeña