SA kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), naging diretso ang mga pahayag ni Pangulong Duterte, maliban sa karaniwang maanghang niyang mga pananalita sa ilang bahagi nito. Binigyang-diin niya ang positibo niyang pananaw sa bisa ng kanyang agenda at pagsulong ng bansa.
Gayunman, may ilang isyung hindi niya binigyan ng pansin, gaya ng Charter Change. Ipinahiwatig pa niyang ‘tila wala nang pag-asa ang itinutulak niyang Pederalismo.
Sobra na ang taba ng burukrasya na kumakain sa mahigit 60% ng budget ng pamahalaan, ngunit iminungkahi ng Pangulo sa Kongreso na likhain ang tatlo pang bagong departamento para tugunan ang mga problema kaugnay sa ‘disasters’ o mga pananalasa, tubig, at OFW.
Kung magaganap ito, kauna-unahan siyang Pangulo na lumikha ng LIMANG kagawaran. Nauna na niyang nilagdaan ang dalawang batas na lumikha sa Department of Information, Communication and Technology (DICT), at Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD).
‘Tila kailangang tapyasan nang kaunti ang sobrang taba ng gobyerno at ilipat na lamang sa mga bagong kagawaran ang mga tauhan ng ibang mga departamento at isaayos ang mga programa at tungkulin nila.
Hindi nawala sa pansin ng Pangulo ang mga pangunahing problema sa kurapsiyon at tinukoy niya ang mga ahensiyang lubog dito. Nanawagan siya sa Kongreso na ibalik ang hatol na KAMATAYAN para sa mga sangkot sa malakihang pagtutulak ng droga, at plunder o malakihang pagnanakaw sa gobyerno.
Bandila ng SONA ni Pangulong Duterte ang kanyang deklarasyon na ang “walang kundisyong” pag-aari ng Pilipinas ang West Philippine Sea na umani ng malawakang pagsang-ayon ng mga Pilipino. Bagamat hindi rin lubos na natutuwa sa kanyang pahayag ang marami, kahit paano ay niliwanag nito ang masalimuot na isyu na nagpapalabo sa ugnayan ng bansa at China.
Bilang pahiwatig ng kanyang paghanga sa mga inisyatibo ng pamunuan ni Isko Moreno sa Maynila, ipinahayag ng Pangulo na inatasan niya si DILG Secretary Eduardo Año na utusan ang pamunuan ng iba pang pamahalaang lokal na linisin ang lahat ng hadlang sa mga kalsada ng kanilang bayan, at suspendihin sa tungkulin ang mga susuway at hindi kikilos.
Ngayong dominado ng mga kaalyansa ng Malacañang ang Kamara at Senado, may katwiran ang Pangulo na umasang matutupad ang mga pangkaunlarang programa niya, kasama ang ‘Build, Build, Build’ at mabilis na susulong ang bansa.
Gayunman, naglabas kamakailan ang IBON Foundation ng mga datos na nagpapahiwatig diumano na palubog ang direksyon ng bansa.
-Johnny Dayang