TAHASANG masasabi na “lima singko” na lang ngayon ang buhay ng mga abogado at hukom sa bansa kung ang pagbabatayan ay ang pinakahuling ulat ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), nasa 38 na ang napapatay sa kanilang hanay dahil sa mga kasong hinahawakan ng mga ito, simula nang pumasok ang Duterte administration noong 2016 hanggang sa kasalukuyan.
Ang pinakahuling pagpatay ay naganap sa Negros Oriental at ang ika-39 na biktima ay si Atty Anthony Trinidad, nakababatang kapatid ng dating reporter at kasamahan ko sa Inquirer na si Andrea Trinidad.
Si Atty Trinidad, 53, kasama ang asawang si Novie Marie, 53, ay tinambangan ng mga armadong lalaki na magkaangkas sa motorsiklo, habang nagmamaneho ng kanyang SUV sa katanghaliang tapat noong Martes, sa kanilang bayan sa Guihulngan City. Siniguro ng mga salarin na wala nang buhay ang biktima bago nila ito iniwan. Ang asawang si Novie Marie ay nasapol sa balikat ngunit nakaligtas.
Ayon sa pulisya, si Atty. Trinidad ay isa sa mga abogado na pinag-iinitan ng anti-communist group na Kagubak o Kawsa Guihulnganon Batok Komunista, dahil sa pagtulong nito sa kaso ng hinihinalang mga rebelde sa kanilang lalawigan.
Sa pahayag ng pamilya Trinidad na naka-post sa Facebook: “We are still at a loss on the motives behind this dastardly act because our brother was such a kind-hearted, soft-spoken person who was willing to go out of his way to help people in need.”
Mabait pa nga ang pamilya Trinidad dahil hindi nila diretsahang inaakusahan ang mga pulis at militar na may kinalaman sa pananambang at pagpatay na ito: “We do not want to speculate on the motives behind his death nor who the perpetrators are. We leave it to authorities to do their job.”
Pero kung ako ang tatanungin – ito lang ang aking kasagutan. Sino ba ang may mga pakana sa pagtatayo ng mga armadong grupo na mga anti-communist group kuno? Eh ‘di ba ‘yung mga opisyal at militar ng pulis na ang kakulangan nila sa “science of criminal investigation” ay sino-short cut sa pamamagitan ng pagpatay sa mga taong pinaghihinalaan nilang may partisipasyon sa krimen na kanilang iniimbestigahan.
Hindi ako kumakampi sa mga kriminal, ang sa akin lamang gamitin ng tama ang batas sa paghabol sa mga hinihinalang sangkot sa krimen.
Sa tagal kong naging police reporter – halos apat na dekada na ako sa ganitong gawain – marami akong nakasamang magagaling na imbestigador na ang kaso ay dinadala at tinatapos sa hukuman, hindi sa kalsada kung saan iniwan ang bangkay ng mga pinaghihinalaan pa lang na mga kriminal o sangkot sa malaking krimen.
Ang nakalulungkot ay parang naubos na yata ang lahi nila. Lahat ay retirado na, at ang mga pumalit ay nakalubog na sa sistema ng tinatawag na “culture of violence”— na sa wari ko’y naghahari na ngayon sa buong bansa, dahil sa pamamaraan nang pagsupil ng Duterte administration sa sinasabi nitong mga sindikato ng ilegal na droga!
Noon, may mga pagkakataong nangangalinsag ang mga balahibo ko sa katawan, at agad na lumalayo sa uumpukan ng mga kilala kong operatives kapag nakaririnig ako ng utos na: “Tumbahin na ‘yang put*ragis na lintik na yan – walain n’yo na lang!”
Ngunit naririnig ko lamang ang ganitong mga utos laban sa mga kriminal na sapin-sapin na ang atraso sa mga mamamayan o mga “residivist” kung tawagin. Dokumentado na ang mga nagawang krimen ng mga ito, may mga testigo, pero labas-masok lamang sa kulungan at patuloy sa pang-aabuso.
Hindi ko sila kinukunsinti ngunit ‘di ko na rin hinahanap ‘yung mga “notorious” na kriminal na bigla na lamang nanahimik o nawala sa sirkulasyon!
Sana naman, huwag pagdiskitahan ang magagaling na abogado na napapawalang-sala ang kanilang mga kliyente, dahil na rin sa kabobohan at katangahan ng mga imbestigador, na puno ng butas ang kasong isinasampa laban sa sinasabi nilang mga kriminal.
(Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected])
-Dave M. Veridiano, E.E.