HINDI pa man ganap na nabubuo sa ensayo, tuluyan ng nabawasan ng manlalaro ang Gilas Pilipinas pool na naghahanda para sa 2019 FIBA World Cup na gaganapin sa China sa Setyembre.
Bukod sa hindi na makakalaro sa semifinals ng 2019 PBA Commissioner’s Cup para sa San Miguel Beer, hindi na rin makakalaro para sa Gilas Pilipinas sa 2019 Fiba World Cup si Marcio Lassiter.
Na-injured ni Lassiter ang kanyang kaliwang tuhod sa second quarter ng do-or-die quarterfinal match ng Beermen at ng NorthPort matapos magkabanggaan si Garvo Lanete.
Matapos sumailalim sa MRI, napag-alamang nagtamo si Lassiter ng grade 2 MCL sprain sa kanyang tuhod kung kaya inaasahan ng hindi sya makakalaro sa loob ng anim na linggo o isa at kalahating buwan.
Bunga nito, hindi na siya makakalaro para sa San Miguel sa best-of-5 semifinals series nila ng mananalo sa laban ng Blackwater at Rain or Shine kagabi habang isinasara ang pahinang ito.
Hindi na rin siya makakasama sa kampanya ng Gilas sa World Cup sa darating na Agosto 31 hanggang Setyembre 15.
-Marivic Awitan