HINGGIL sa West Philippine Sea, isyu ngayon kung ano ang sinabi ng Pangulo sa kanyang nakaraang SONA. “Possession” o “position”?
Sa kopya ng talumpati ng Pangulo sa SONA, ito ang nakasulat: “China also claims the property and he is in possession. That is the problem. They are in possession and claiming the resources there as owner.”
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang sinabi ng Pangulo ay “in possession” ng West Philippine Sea at sa kanya, ang China ang nagmamay-ari ng karagatang ito. Aniya, isyu lang ng pagbigkas. Iyong military presence ng China sa South China Sea ay nagpapakita na siya ang “in possession” sa pinag-aagawang teritoryo.
Pero ito ang sinasabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon: “Sa palagay ko hindi sinabi ng Pangulo na sila ay ‘in possession’, kundi sila ay nasa ‘position’. Aminin natin na nakagawa ang China ng mga ‘di tunay na isla sa West Philippine Sea at South China Sea mula noong 2012, 2016 hanggang ngayon. Pero, nakumpleto nila ang pagpapagawa noong 2016, kaya nasa posisyon ngayon at mayroon silang bentahe dahil sa kanilang posisyon.”
Sumasang-ayon kay Esperon si Defense Secretary Delfin Lorenzana. Aniya, maaaring ang binabanggit ng Pangulo ay ang Panatag Shaol o Scaborough Shoal nang sabihin niya na ang China ay “ in possession” ng West Philippine Sea.
“Sila ay nakaposisyon sa mga isla, pero hindi sila ang nagmamay-ari ng West Philippine Sea, dahil inaangkin din nila ito,” dagdag pa ni Lorenzana.
Nais ituwid nina Esperon at Lorenzana ang sinabi ng Pangulo. Pinalalabas nilang hindi wasto ang kanyang sinabi na ang China ay ang nagmamay-ari na ng West Philippine Sea.
Kailangan pa bang linawin ang sinabi ng Pangulo sa kanyang SONA hinggil sa isyung ito? Maliwanag ang sinabi niya na ang China ay “in possession” ng West Philippine Sea, at inaangkin nito ang lahat ng yaman dito bilang may-ari.
Mababago mo pa ba sa pagbibigay ng iba at bagong kahulugan ang nilalaman ng binasa ng Pangulo na siyang nais mangyari nina Esperon at Lorenzana?
Sa totoo lang, noon pang una, ito na ang kanyang impresyon. Kaya nga isinantabi niya ang arbitral ruling sa Hague. Ayaw niya itong pairalin kahit ayon sa Permanent Arbitration Tribunal, ang West Philippine Sea ay nasa exclusive economic zone ng Pilipinas at tayo ang may sovereign rights dito.
Iyong historical rights na pinagbabasehan ng China sa pag-angkin sa karagatan ay walang batayan.
Kaya, itinuring ng Pangulo na maliit na bagay lamang at maritime accident ang pagbunggo ng Chinese trawler sa nakaangklang bangkang pangisda ng Pilipinas sa Recto Bank. Kaya, ayaw niyang gumawa ng anumang hakbang upang igiit ang soberenya ng bansa sa West Philippine Sea at laging tinatakot ang mamamayan na didigmain ng China ang bansa kapag ginawa niya ito.
Ang napakalaking problema ng Pilipino ay sa SONA pa niya inihayag na ang China ay siyang “in possession” na ng karagatang nasa exclusive economic zone ng Pilipinas at inaangkin na nito bilang may-ari ng lahat ng yamang naririto.
Mistulang ipinamigay na ng Pangulo sa China ang West Philippine Sea. Kaya, ito ang nais remedyuhan nina Esperon at Lorenzana.
-Ric Valmonte