KASAMA sa tinalakay ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong nakaraang Lunes ang muling pagbibigay ng direktiba sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at iba pang sangkot na opisina ng pamahalaan upang agarang masiguro ang mabilis at maaliwalas na daloy ng trapiko sa Metro Manila at iba pang lungsod sa bansa.
Binanggit niya ang isang partikular na aksiyon na agarang lulutas sa malaking bahagi ng problema: “Reclaim all public roads that are being used for private ends. Marami yan,” pahayag ng Pangulo.
Isa sa pinakalantad na paggamit ng mga pampublikong kalsada para sa pribadong gawain ang pagpaparada ng mga may-ari ng sasakyan na walang pribadong garahe o daan sa loteng inookupahan ng kanilang bahay. Taun-taon, sa maraming taong nakalipas, daang libong mga sasakyan ang nabenta sa bansa, karamihan sa Metro Manila, ngunit wala namang katumbas na pagdami ng kalsada. Ang malala rito, maraming pribadong sasakyan ay ipinaparada dulo hanggang dulo sa maraming lansangan, dahilan upang hindi maraan ng mga motorista ang isang linya ng kalsada.
Hindi ito pinapayagan sa maraming siyudad sa buong mundo, partikular sa Singapore sa bahagi ng Southeast Asia. Bago aprubahan ng pamahalaan ng lungsod ang pagbili ng sasakyan, kailangan munang magsumite ang bibili ng katunayan na may espasyo siya na maaaring pagparadahan ng bibilhin niyang sasakyan.
Simula nang pag-aralan ng gobyerno ng Pilipinas ang mantinding problema ng trapik sa Metro Manila, una nang nabanggit na dahilan ang paggamit sa mga pampublikong kalsada sa mga pribadong gawain tulad nang pagtatayo ng mga tindahan o stall ng mga tindero. Partikular na tinutukan ng MMDA ang Epifanio de los Santos Ave. (EDSA). Dinedepensahan ngayon ng ahensiya sa korte ang isang panibagong aksiyon—ang pagbabawal sa mga bus na galing probinsiya na magkaroon ng terminal sa EDSA.
Ngunit tila nakaligtaan ng mga opisyal ang maling paggamit sa mga kalsada ng siyudad bilang paradahan. Na kinailangan pang muli itong banggitin mismo ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address. Ipinag-utos ng Pangulo kay Secretary Eduardo Ano ng Department of Interior and Local Government na iimplementa ito kasama ng mga lokal na pamahalaan.
Suspindehin ang sinumang mayor o gobernador o iba pang lokal na opisyal na hindi susunod sa kautusan, banta niya. Kapag natanggal na ang mga sasakyang ilegal na nakaparada at iba pang harang, nasa tungkulin ng barangay na siguraduhing mananatiling malaya ang mga kalsada mula sa anumang mga harang.
Walang dudang matagal nang naobserbahan na ang mga ilegal na pagparada ay isa sa mga dahilan ng matinding trapik sa Metro Manila, kasama ng mga paglabag ng mga motorista, labis na bilang ng mga sasakyan na gumagamit sa mga pampublikong kalsada na bahagya nang nadagdagan sa mga nakalipas na dekada, at ang pananaw ng MMDA—ang daan-daang bus buhat sa mga probinsiya na hindi umano dapat na dumagdag pa sa problema ng trapiko sa Metro Manila.
Sa simula ng kanyang administrasyon, nanawagan na si Pangulong Duterte sa Kongreso upang mabigyan ang Department of Transportation ng emergency powers upang malutas ang problema ng trapiko sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod sa bansa. Hindi pa ipinagkakaloob ng Kongreso ang emergency powers na ito hanggang ngayon, ngunit binigyang-diin na ng Pangulo ang isa sa bahagi ng problema—ang paggamit ng mga pampublikong mga kalsada para sa mga pribadong gawain—na dapat nang mahinto ngayon