Iniharap na ng National Bureau of Investigation sa media, ngayong araw ang dalawang opisyal ng Bureau of Internal Revenue o BIR na nangotong sa isang pribadong kumpanya ng milyong-milyong piso dahil sa umano'y tax deficiency.

Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina Alfredo Pagdilao at Agripina Vallestero, kapwa opisyal ng BIR, na unang naaresto sa entrapment operation ng mga ahente ng NBI-NCR nitong Hulyo 20.

Tinakot umano ng mga nabanggit na BIR Officials ang isang pribadong kumpanya na nakabase sa Pasig City na kakasuhan kung hindi magbabayad sa umano'y tax liability nito na umaabot sa P160 milyon.

Subalit nauwi sa tawaran hanggang sa maibaba ito sa P75 milyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa entrapment operation, unang napagkasunduan ng mga ahente ng NBI ang pagkikipagkita sana sa apat na BIR officials sa isang hotel sa Ortigas, ngunit bigla umanong binago ang lugar ng kitaan hanggang sa natuloy ito sa isang hotel sa Quezon City.

Dalawa lamang sa apat na BIR officials ang lumutang sa lugar sa parking area ng napagkasunduang hotel.

Dala ng NBI team ang dalawang maleta na pinuno ng boodle money at ang P100, 000 marked money.

Nang tanggapin umano ng mga suspek ang maleta ng pera at ang marked money, agad na silang dinakma ng NBI.

Mga kasong plunder, paglabag sa anti-graft law, robbery extortion at kasong administratibo ang kinakaharap ngayon dalawang opisyal.

-Beth Camia