Bilang pagkilala sa suliranin at pangangailangan na mawakasan ang puwang sa mga mag-aaral ng Geographically Isolated, Disadvantaged and Conflict-Affected (GIDCA) na mga lugar at sa mga katulad nito sa sentro ng lungsod, inilunsad kamakailan ng Department of Education (DepEd) ang programang Last Mile Schools.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, ito ay bahagi ng Public Schools of the Future framework na isa sa mga laman ng Philippine Development Plan 2017-2022 sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Layon ng programa na mabigyan ang mga GIDCA areas ang walang humpay at pantay na akses sa de kalidad na edukasyon.

“In the next three years under President Rodrigo Duterte’s administration, we will continue to address the remaining gaps and challenges in education. We will do something about the 27,000 schools na kailangan pang tulungan (which must be helped),” pahayag ni Briones.

Ang Last Mile Schools ay mga paaralan na may multi-grade classes, at mayroon lamang na limang guro, para sa mga mag-aaral na hindi pa umaabot sa 100 at karamihan ay kabilang sa mga katutubo.

Kulang sa mga paaralan na ito ang mga kasangkapan, walang computer, walang internet, iilan lamang ang aklat at manwal, na kulang din sa gamit sa laboratory at mga kagamitan.

Dagdag pa ni Briones, “School building projects did not push through in these areas because of problems in peace and order, and where private contractors, suppliers, and service providers find difficult to access in order to deliver the necessary equipment and services.”

Papatatagin din ng DepEd ang National Educators’ Academy of the Philippines bilang paniniwala na ang mga guro ang kanilang ang pag-asa ng ahensiya sa pagbibigay ng de kalidad na edukasyon sa lahat ng mga mag-aaral.

“It will capacitate teachers with the latest, effective teaching strategies so they could develop critical thinking among learners. Critical analysis is to study and analyze problems and find solutions. Ito ang itinuturo natin sa (This is what we teach our) high school students ngayon (now),” aniya.

Samantala, ayon sa ulat ng DepEd, nakapagtayo ang ahensiya ng 67,667 silid-aralan, nakapag-ayos ng 66,654 silid-aralan, at naibalik ang 284 Gabaldon Heritage School Buildings mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2019.

Nakapagbigay rin ito ng 4,447,150 armchairs, nakapaglagay ng 486,635 kagamitan para sa Information and Communication Technology, nakapamahagi ng 158,850,171 textbook at mga manual, nakapaglaan ng 20,421 package para sa math at science, nakapagbigay trabaho sa 177,218 guro, at nakapagpakain ng 4,526,432 estudyante sa parehong panahon.

At upang masigurado ang mga estudyante ng Senior High School na kumukuha ng kursong technical-vocational (tech-voc) ay handa ng magtrabaho, nakapagtayo na rin ang DepEd ng 4,136 mga tech-voc laboratories at workshops, nakapagbigay ng 1,396,614 bagong mga lamesa’t upuan, nakapaglaan ng 1,338 na mga package ng mga tech-voc laboratory tools at equipment, at isinaayos din ang electrical system ng 2,191 paaralan.

PNA