Inaresto ng pulisya at militar ang isang umano’y bomb making expert ni Abu Sayyaf Group (ASG) leader Furuji Indama, sa isang operasyon sa Naga, Zamboanga Sibugay, nitong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ni Police Regional Office-Zamboanga Peninsula (PRO-9) Director Police Brig. Gen. Froilan Quidilla, ang suspek na si Isnaji Hasim, 29, may-asawa, taga-Barangay Bangkaw-bangkaw, ng nasabing bayan.
Ayon kay Quidilla, si Hasim ay dinakip ng mga elemente
Ng 44th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army at pulisya sa Bgy. Bangkaw-Bangkaw, dakong 9:00 ng umaga.
Isa aniya si Hasim sa kadikit ni Hashim Saripa, isa sa kasangkot sa Lamitan bombing noong Hulyo 31 ng nakaraang taon na ikinasawi ng 10 katao at ikinasugat ng siyam na iba.
Aniya, dawit din umano si Hasim sa pambobomba sa Zamboanga City bus terminal na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang katao art pagkasugat ng 52 sibilyan, noong Enero 23, 2015.
Narekober kay Hasim ang isang Browning Automatic Rifle (BAR), dalawang magazine nito at 11 na bala ng cal. 30, isang granada, isanng improvised explosive device (IED); isang electrical blasting cap; at isang 40 mm live ammunition.
Paliwanag pa ni Quidilla, dinampot si Hasim sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni 3rd Municipal Circuit Trial Court sa Kabasalan, Zamboanga Sibugay, sa kasong paglabag sa Repblic Act 9516 at Republic Act 10591.
Ang suspek ay pansamantalang nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Zamboanga Sibugay Provincial Field Unit.
-Nonoy E. Lacson