MATAGAL ko nang isinusulong na amyendahan ang Human Security Act (HSA) ng Pilipinas. Para akong gasgas na plaka o makulit na magulang sa pagbababala na ang batas na RA 9372 (ipinasa noong Marso 6, 2007) ay walang pangil at hindi sagot sa tumitinding mukha ng terorismo.
Mayroon itong halos itong 70 probisyon, na lumulumpo sa sigla at pagtatagumpay ng estado sa pakikibaka sa nasabing karahasan. Halimbawa, kung may iniimbestigahan, sinusundan at tinitiktikan ang PNP, AFP, o intelligence agents, at hindi nakitaan ang suspek ng paglabag sa batas, dapat sila pa ang magpasabi (magpaalam) sa mismong tao na siya ay naging sentro ng operasyong legal ng mga kinauukulan.
Kapag nakaligtaan o hindi nila ginanap ang nabanggit, may kaakibat ito na multa at pagkakakulong bilang kaparusahan sa mga awtoridad. “Only in the Philippines,” ang ganitong “katalinuhan” na nakalulusot sa ating Kongreso.
Tuloy nagugunita ko ang yumaong Senador Joker Arroyo noong panauhin sa television interview. Tutol kasi siya sa HAS para maipasa sa Senado. Punto pa niya, “Tayo lang ang bansa sa ASEAN na may ganito.”
Halos malaglag ako sa upuan!
Eh kasi, mas matindi pa nga ang batas sa Singapore at Malaysia. Ang bansag nila, ‘Internal Security Act’. Maaari kang arestuhin at makulong bilang suspek ng maraming taon. Basta humihimas ka na lang ng rehas sa piitan, sa utos ng presidente ng Singapore. Ang bansag nito ay “preventive detention, to prevent subversion, suppress organized violence against persons or property”, atbp.
Sa gitna ng kauna-unahang Pilipinong “suicide bomber” sa Indanan Sulu nitong Hulyo, kahit nakasailalim pa sa martial law ang buong Mindanao, sumasagi sa ating isipan na ang kuko ng terorismo ay aabot sa Visayas, lalo sa Metro Manila.
Natatandaan pa natin ang Rizal Day bombing, na pati ang LRT ay idinamay! Buhay ng 22 Pilipino ang kinitil noong Disyembre 30, 2000.
Kailangan na talagang pag-aralan ng Palasyo at Kongreso ang FISA (Foreign Intelligence Service Act) ng Amerika. Kopyahin ang layunin at ilang probisyon nito.
Sa ating bersiyon ng FISA, ang mga namumuhunan, negosyante, tulak, protektor, at sindikato ng malakihang droga ay sabit din.
-Erik Espina