TULAD ng inasahan sa kanyang talumpati sa Kongreso, nanawagan si Pangulong Duterte nitong Lunes na ipagtibay ang ilang mga panukala upang matulungan ang administrasyon na maipatupad ang mga programang reporma nito sa susunod na tatlong taon.
Kabilang sa mga panukalang ito ang paglikha ng mga bagong ahensiya ng pamahalaan, partikular ang Department of Disaster Resilience, Department of Water Resources, at ang Department of Overseas Filipino Workers. Layon ng dalawang unang nabanggit na matugunan ang problema sa mga kalamidad tulad ng bagyo at mga pagbaha kasama ang panahon ng tagtuyot. Habang ang ikatlo ay layong higit pang mapangalagaan ang ating mga Overseas Filipino Workers, na kasalukuyang pangunahing pinagkukunan ng kita ng bansa.
Humiling ang Pangulo ng aksiyon sa ilang mga panukalang-batas na nagkakaloob ng piskal na reporma, sa pangunguna ng TRAIN 2, na tinawag din TRABAHO bill, batas na magpapababa sa corporate income tax habang nirerebisa ang sistema ng pagbubuwis at iba pang ibinabayad ng mga dayuhang kumpanya na inimbitahang mamuhunan sa ating mga economic zone.
Nanawagan din siya ng mas magandang kita para sa mga guro at nurse ng bansa at ibang manggagawa ng pamahalaan, bilang bahagi ng kabuuang programa upang mapabuti ang serbisyo ng pamahalaan sa mga tao. Magkakaroon din ng pagbabawas sa pagsasaayos ng mga ahensiya ng gobyerno na lumago nang malaki at naging magulo. Tinawagan din niya ang lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan na padaliin ang proseso sa pagkuha ng mga permit at dokumento.
Nabanggit din ng Pangulo ang muling pagpapatupad ng parusang kamatayan o death penalty para sa mga karumal-dumal na krimen na may kaugnayan sa ilegal na droga at pandarambong. Napatunayan, aniya, na ang problema sa droga ay mahirap malutas. Aniya, pinondohan gamit ang droga ang limang buwan digmaan sa Marawi, at patuloy na lumalaganap ang problemang ito sa maraming komunidad ng bansa sa kasalukuyan.
Ngunit inilaan ng Pangulo ang kanyang matinding apela sa Kongreso at sa mga mamamayan nang banggitin niya ang kurapsyon, na aniya’y, ugat ng nagpapatuloy na problema sa droga, sa bawat anggulo ng operasyon ng pamahalaan at sa pamumuhay ng mga mamamayan.
“I have seen the face of the enemy,” aniya, “ and the enemy is us.. We are our own tormentors and our own demons. We find corruption everywhere. It’s a national embarrassment. It’s a national shame.”
Naikuwento rin niya na kinailangan niyang sibakin at pagbitiwin ang higit daang opisyal at mga itinalaga sa pamahalaan. “I will push harder in the pursuit of programs that we have started but always within the parameters of the law.”
Umaasa tayong mas magiging maayos ang 18th Congress kumpara sa nakaraan na nasangkot sa mga sigalot sa pagitan ng mga kongresista at mga senador hinggil sa “pork barrel” sa mga pampublikong proyekto na pumasa sa National Budget para ngayong 2019, makalipas ang tatlong buwan na dapat itong naipasa— na nagdulot ng masamang epekto sa buong programa ng pamahalaan.
Matatandaan nating ipinasa ng Senado ang pinal na kopya ng panukang pambansang budget sa Pangulo, kasama ng paalala na nagsasabing naniniwala ang kapulungan na P75 bilyon sa iba’t ibang mungkahing proyekto ang “pork barrel” ng ilang kongresista. Walang anumang talakayan at anumang komento, nagdesisyon ang Pangulo na i-veto ang P75 bilyon, na sinundan niya ng paglagda sa nasabing batas.
Matapos ang State of the Nation Address (SONA), kung saan mahigpit na kinondena ng Pangulo ang kurapsiyon, hindi lamang sa pamahalaan ngunit gayundin sa lipunang pinapalampas lamang ito, umaasa tayo sa mga malalaking pagbabago sa operasyon ng pamahalaan. Makaaasa rin tayo sa mas mabilis na aksiyon ng Kongreso ngayong taon sa iba’t ibang kailangang batas at higit sa lahat, sa pambansang budget para sa 2020.