TAPOS na ang SONA (State of the Nation Address) ni Pres. Rodrigo Roa Duterte, na nakatatlong taon na mula nang nahalal na Pangulo ng Pilipinas matapos piliin ng 16.6 milyong botante kontra kina Mar Roxas, Grace Poe at iba pa.
Umaasa ang mga Pilipino na sisikapin ni Mano Digong na bigyan ng mapayapa, masagana at matiwasay na buhay ang may 108 milyong Pinoy sa ilalim ng kanyang administrasyon. Aminado siya na hanggang ngayon ay patuloy pa niyang nilalabanan ang salot ng illegal drugs at kurapsiyon, na ipinangako niyang susugpuin sa loob lang ng tatlo hanggang anim na buwan.
Bumilib sa kanya ang mga tao noong kampanya sa pangakong tatabasin niya ang ugat ng kurapsiyon, wawakasan ang illegal drugs sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpatay sa drug lords, dealers, pushers at users.
Pero ano ang nangyari? Libu-libong ordinaryong pushers at users ang napatay ng mga pulis at vigilantes, pero mabibilang sa daliri ang naitumbang drug lords, smugglers, suppliers, kaya laganap pa rin ang ilegal na droga sa bawat sulok ng kapuluan. Patuloy ang drug smuggling sa Customs.
Sa pagbaka sa kurapsiyon, sino ang hindi bibilib sa kanya nang sabihin na papatayin niya ang corrupt government officials, at itatapon ang mga bangkay sa dagat upang tumaba ang mga isda? Palakpakan ang mga tao, itinapon sa kangkungan sina Roxas, Poe, atbp. Pinili ang mayor ng Davao City bilang unang Presidente mula sa Mindanao.
Sa kanyang SONA noong Lunes, ang nakatakdang 45 minutong talumpati ay naging isang oras at kalahati. Akala ng mga tao, tutuparin ang pahayag nina Presidential Spokesman Salvador Panelo at PCOO Sec. Martin Andanar na 45 minuto lang. Humaba ang talumpati dahil nilahukan ng mga ad lib ang preparadong SONA speech. Salamat naman at wala nang pagmumura at maaanghang na biro ang ating Pangulo.
Kabilang sa mahahalagang isyu na tinalakay ni PDu30 sa SONA noong Lunes ay ang patuloy na paglaban sa kurapsiyon, kahilingan sa Kongreso na ibalik ang parusang kamatayan; ang mga permiso sa mga tanggapan ng gobyerno ay dapat na ilabas sa loob ng tatlong araw; pagtataas sa sahod ng mga guro, nurses; pag-angkin sa mga daan o lansangan upang malutas ang problema sa trapiko.
Bukod sa mga usapin sa kurapsiyon at illegal drugs, tinalakay din ni PRRD ang peace and order issue, karapatan at pag-angkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Sinabi niyang walang duda na pag-aari ng Pinas ang WPS, pero kailangan daw maging maingat tayo sa paglutas sa problema upang maiwasan ang ano mang gulo sa China.
Badya ng Pangulo: “Tinitiyak ko sa inyo na pangunahin sa ating isipan ang national honor at territorial integrity. Ang West Philippine Sea ay atin. There is no ifs and buts.”
Gayunman, sinabi niyang okupado ito ngayon ng China kung kaya ang pinakamabuting solusyon ang makipag-usap nang mabuti sa kanila upang maiwasan ang gusot o giyera.
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Bakit lagi niyang sinasabi na ayaw natin ng giyera sa China kaugnay ng WPS issue? Bakit noong panahon ni ex-PNoy naghain ang gobyerno ng reklamo sa Arbitral Tribunal, e hindi naman tayo giniyera ng China?”
Pinaboran tayo ng international court pero hanggang ngayon hindi naman tayo dinidigma ng China? Aba, may katwiran si kaibigan!
-Bert de Guzman