NAGTAPOS na ang tatlong taong panunungkulan ni United States Ambassador to the Philippines Sung Kim sa Pilipinas. Hindi naging madali ang pananatili niya sa bansa bilang ambassador na nagsimula kasabay ng panunungkulan ng administrasyon ni Pangulong Duterte noong 2016. Ngunit naging positibo naman ang pagtatapos nito. Sa kabila ng maraming pagkakataon na tila nagkakalamat ang ugnayan, nanatiling mahigpit na magkaibigan at magkaalyado ang Pilipinas at Amerika.
Matatandaan natin kung paano binatikos ng bagong Pangulo ng Pilipinas si dating US President Barack Obama noong 2016, gamit ang kanyang paboritong masasakit na salita, hinggil sa kritikal na komento ni Obama sa nagsisimula pa lamang noon na kampanya ng Pilipinas laban sa ilegal na droga. Ginamit din niya ang mga salitang ito laban kay Pope Francis, nang bumisita ito sa bansa na nagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Maynila.
Madalas ihayag ni Pangulong Duterte ang kanyang kahandaan na sumama sa Russia at China laban sa mundo. Nakabuo ang Pangulo ng mahigpit na ekonomikal na ugnayan sa China ngunit nanatiling mailap ang Russia tulad ng dati. Sa patuloy na paghahanap ng Pilipinas ng mga barko, eroplano, armas at iba pang kagamitang pangdepensa, lumapit ito sa South Korea at Japan. Ngunit lumapit din ito sa Amerika, ang tradisyunal nitong pinagkukunan ng mga armas. Nakipagkita rin si Secretary of Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr. kay US Assistant Secretary for East Asia and Pacific Affairs David Stilwell nitong nakaraang linggo upang ipaalam ang kagustuhan ng Pilipinas na bumili ng 74,000 M-16 rifles para sa militar.
Tila maayos din ang pakikitungo ni Pangulong Duterte kay Pangulong Donald Trump. Hindi nasuspinde ang taunang militar na pagsasanay ng US at Pilipinas. Nanatili ang US na isa sa pinakamalapit na katuwang ng bansa sa kalakalan kasama ng China at Japan. Hanggang nitong Mayo, umabot na ang iniluwas ng Pilipinas sa Amerika sa $1.09 bilyon, tumaas ng 9.8 porsiyento mula noong nakaraang taon.
At siyempre, nananatiling pangarap ng maraming Pilipino ang magpunta sa Amerika. Ang manirahan at doon magtrabaho kasama ng apat na milyong na bumubuo ngayon sa ikaapat na pinakamalaking bilang ng migrante ng bansa, kasunod ng mga Mexican, Chinese at Indian. Higit sa anumang bansa, nananatiling ang US ang inaasahan ng mga Pilipino na mahihingan ng tulong at suporta, ang resulta ng 50 taong ugnayan na nagbigay sa atin ng demokratikong sistema ng pamahalaan, ang ating sistema ng pampublikong paaralan, at ang pagiging bukas sa ibang mga kultura at paniniwala, dahilan kung bakit kayang makisalamuha ng mga Pilipino sa anumang kultura sa mundo.
Naging maayos ang tatlong taong panunungkulan ni Ambassador Kim, isang Amerikano na may dugong Asyano, sa Pilipinas. Maayos niyang nairepresenta ang ang kanyang bansa at nakitungo rin sa bansang ito at sa mga mamamayan nang maayos. Hangad natin ang tagumpay niya sa paglipat niya sa kanyang bagong tungkulin sa Indonesia, ang ating malapit na kapitbahay at Asyanong kaalyado sa timog.