NO problem sa young actress na si Ashley Ortega kung anong role ang ibigay sa kanya ng GMA Network; mapabida-kontrabida, okay sa kanya, though mas type niyang magkontrabida.
Mas napaglalaruan daw kasi niya ang character kung kontrabida ang role niya, ayon kay Ashley.
“Saka gusto ko po talaga ng kontrabida role, at dream kong masampal ako ni Primera Contravida, si Ms. Cherie Gil,” natatawang wika ni Ashley nang makapanayam sa set ng Sahaya kamakailan.
“Nasampal na po ako ni Ms. Gladys (Reyes), gusto ko ring masampal ako ni Ms. Jean (Garcia). Sila po iyong mahuhusay na kontrabida.
“Pero nasampal ko na rin sina Inah de Belen, Lauren Young, Yassi Pressman.
“Nagsimula po ang character ko dito sa Sahaya na mabait ako, may soft spot ako kay Bianca Umali as Sahaya. Pero nagkaroon ng twist sa character ko nang maging masama ako kay Sahaya, dun na po siya nakatikim ng sampal at sabunot ko.
“But now, bumalik ulit iyong mabait kong character dahil sa mahal kong pinsan si Jordan (Migo Adecer). Love niya si Sahaya at in a way, tinutulungan ko si Jordan na mapalapit muli kay Sahaya.
“Pero sa set, super-bonding kami ni Bianca, kami ang magkasamang kumakain sa tent. Minsan bumibili lang kami ng favorite food namin at sabay kaming kumakain,” kuwento pa ni Ashley.
Kung ang mga netizens ay gustong magkatuluyan sina Jordan at Sahaya, para kay Ashley, sino ang gusto niyang makatuluyan ni Sahaya, si Ahmed ba, played by Miguel Tanfelix, o si Jordan?
“Cute pong gumanap na Badjao sina Bianca at Miguel, bagay sa kanila ang role. Mas gusto ko silang magkatuluyan, dahil opposite naman sina Sahaya at Jordan, dahil Manila boy si Jordan at si Sahaya ay babalik sa Tawi-Tawi.”
First year college na si Ashley taking up interior design, pero nag-stop siya ng studies nang magkasunud-sunod na ang project niya.
Gusto raw sana niyang mag-enrol this semester, pero ang available lang na schedule ng klase ay Monday-Wednesday-Friday, na hindi uubra sa kanya, dahil iyon mismo ang taping days niya ng Sahaya.
Napapanood ang Sahaya gabi-gabi, after ng 24 Oras, sa direksiyon ni Zig Dulay.
-NORA V. CALDERON