NANINIWALA ako na ang kagandahan at kalinisan ng isang lugar ay nakikita at nasasamyo ilang oras makaraang lumubog ang araw.
Pagkaraan kasi ng mahabang maghapon, habang lumalakad ang oras patungo sa hatinggabi, kapuna-punang unti-unting naglalabasan ang punpon ng basura sa mga kalsada, pumapanghi ang mga madidilim na lugar na malapit sa mga restaurant, karinderiya, inuman at gimikan. At sa mga lugar na malapit sa palengke– gabundok ang basura sa mismong kalsadang daanan ng mga sasakyan.
Idagdag pa rito ang mga kababayan nating “negosyante” na ginawa nang animo condominium ang kanilang mga puwesto sa bangketa—doon nagluluto, kumakain at natutulog ang buong pamilya.
May mga ganito rin na sitwasyon sa iba’t ibang siyudad sa Metro Manila, ngunit partikular ako sa naging kalunus-lunos na kalagayan ng Maynila—ang lugar na kinapanganakan at kinalakihan ko— sa administrasyon ni dating Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Sa komento nga ng kababata ko sa Tundo, ang beteranong mamamahayag na si Philip “Ba Ipe” Lustre: “Amoy Erap na ang buong Siyudad ng Maynila!”
Kaya sa totoo lang, medyo humahanga na ako— medyo pa lang dahil ilang linggo pa lamang naman siyang nakaupo— kay Gatpuno (Mayor ng Maynila) Francisco “Isko Moreno” Domagoso, sa kanyang kampanya na linisin, pagandahin at pabanguhing muli ang Maynila.
Isang napakabigat na proyekto para sa isang batang pulitiko, na ngayon pa lamang ay pinapalakpakan na ng mga taal na Manileño, kasabay ang panalangin na—“Sana’y magtuluy-tuloy ang proyekto at hindi maging isang ningas kugon lamang!”
Ngunit sa aking palagay, marami pang bigas na kakainin si Gatpuno Isko Moreno at ang kanyang mga opisyal sa City Hall, para marating ang kalagayan na kagaya nang nakikita at nararanasan ng mga kababayan natin, tuwing sasapit na ang gabi sa ilang lugar sa Quezon City, partikular ang distrito ng Novaliches.
Bakit ko nasabi— batay naman ito sa madalas kong nararanasan sa aking paglalakwatsa!
Kagabi, habang naglalakad ako sa malapad na kalsada sa Kingspoint subdivision, sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City, nabighani ako sa mga nagliliparang alitaptap (fireflies) sa mga bakanteng lote sa loob ng subdivision. Natulala ako – animo mga nagsasayawan ang mga tala, bituin at kometa na nagtatago sa mga sanga at dahon ng nagtataasang puno, talahib at halaman na nasa aking harapan! Ilang beses ko na itong nararanasan, di lamang sa aming lugar, bagkus sa iba pang malalaking village sa Quezon City.
Santambak din ang mga palaka na nagtatawiran sa malalapad na kalsada na animo’y nakikipagpatintero sa mga humahagibis na sasakyan. Bukod pa rito ang mangilan-ngilang lugar na may makikita pa na mga kambing at baka na gumagala at nanginginain sa mga kalye at bakanteng lote sa loob ng mga subdibisyon.
Para kang nasa isang bukid sa probinsiya, pati ang dapyo ng malamig na hangin sa mukha, at ang samyo nito na animo sariwang damo at halaman sa kabukiran.
Sa pagkakaalam ko, ang mga bagay na ito— paglilitawan ng mga kulisap, hayup at mabangong simoy ng hangin— ay nagaganap lamang sa lugar na may maayos pa ang “Ecosystem Cycle” dulot ng wastong pangangalaga ng mga tao sa kanilang kapaligiran at kalikasan.
Dito pumapasok ngayon ang mahigpit na pagpapatupad ng pamahalaang lokal sa tamang pagtatapon at paghihiwalay ng mga basura, na masinop na ginagawa ng mga taga-Quezon City.
Kaya ang palaging sigaw ng mga basurero sa Quezon City, na umikot sa bawat lugar kada Martes, Huwebes at Sabado— “Sa QC hindi messy!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.